Ang paniniwala (at pananalig) na ang Allah(swt) ay Tanging Nag-iisang Diyos, maliban sa Kanya ay wala ng iba, ang Tanging Panginoong Makapangyarihan (As-Samadh) hindi Siya ipinanganak at hindi rin siya nagkaanak. Walang ibang dapat sambahin maliban sa Kanya. Sinuman ang nag-alay ng anumang gawang pagsamba bukod sa Allah(swt) ay tinataguriang isang Kafir (walang pananampalataya).......
التفاصيل
Ang paniniwala (at pananalig) na ang Allah(swt) ay Tanging Nag-iisang Diyos, maliban sa Kanya ay wala ng iba, ang Tanging Panginoong Makapangyarihan (As-Samadh) hindi Siya ipinanganak at hindi rin siya nagkaanak. Walang ibang dapat sambahin maliban sa Kanya. Sinuman ang nag-alay ng anumang gawang pagsamba bukod sa Allah(swt) ay tinataguriang isang Kafir (walang pananampalataya). Ang Ibadah (pagsamba) ay isang kahulugan na sumasaklaw sa lahat ng bagay na minamahal ng Allah(swt) sa salita man o sa gawa katulad ng limang haligi ng Islam, pagdalangin o pagdulog sa Kanya, pag-asa ng Kanyang Awa, pagkatakot sa Kanya, pagtitiwala sa Kanya, pagtupad sa mga pangako at panata at iba pang uri ng pagsamba. Ako ay nananalig na ang Allah(swt), ay malayo sa anumang kakulangan, at Siya(swt) ay Ganap sa lahat ng Katangiang Kanyang iniakibat o itinaguri sa Kanyang Sarili o itinaguri sa Kanya ni Propeta Muhammad. At Siya(swt) ay tinawag sa mga Banal na Pangalan na Kanyang ipinangalan sa Kanyang Sarili at Kanyang itinuro sa Kanyang Huling Sugo at Propeta na si Muhammad(sas). Ang Magagandang Pangalan at Ganap (Kasukdulang Antas) na Katangian ay tunay at makatotohanan at hindi ito mga talinhaga. Ang mga katangian ng Allah(swt) na kinabibilangan ng pagpapaimbabaw Niya(swt) sa Kanyang Trono, ay nangangahulugan na, Siya ay pumaimbabaw sa Trono na hindi binigyan ng paghahambing, pagkakatulad o pagkakahawig sa kaninumang nilikha. Ang Allah(swt) ay nagsabi: “Ang Mahabagin (Allah) ay pumaibabaw sa Kanyang Trono.” (Qur'an 20:5) Karagdagan nito, ang Salita ng Allah(swt) ay walang hanggan at hindi nalilikha na binibigkas sa iba’t ibang pagkakataon. Isinalaysay ng mga naunang mabubuting paham na Muslim na ang Allah(swt) ay ganap sa Katangiang Pananalita at Siya(swt) ay nagsasalita kung kailan Niya(swt) naisin. Sa Kanyang salita- itong Banal na Qur’an na narinig ng Anghel Jibril(as) mula sa Kanyang Panginoon ay tuwiran na walang namagitan at ipinanaog kay Propeta Muhammad(sas), sa titik at kahulugan para sa pagsasakatuparan ng lahat ng pagsamba at ito ay walang maitutulad (Ang Qur'an ay naglalaman ng mga Salita ng Allah(swt) na hindi matutularan ng sino pa man. Ang mga paganong Arabo ay hindi nakagawa ng kahit isang talatang katulad ng talata ng Banal na Qur'an.). Sa madaling salita, ang Banal na Qur’an ay hindi salita ng Anghel Jibril(as) o kaya ni Propeta Muhammadr kundi ito ay Salita ng Nag-iisang Diyos- ang Allah(swt) na Kanyang binigkas sa titik at tinig. Binigkas Niya(swt) ang Banal na Qur’an sa titik at tinig tulad ng pagkabigkas Niya(swt) ng salita nang panahong kausap Niya(swt) si Propeta Moises, nang ang huli ay lumapit sa isang puno: þ “Katotohanan, Ako ang iyong Panginoon. Kaya, iyong hubarin ang iyong sapatos; sapagka't ikaw ay nasa banal na lambak ng Tuwa.” (Qur'an 20:12) Maging sa Araw ng Pagkabuhay na muli, tatawagin ng Allah(swt) ang lahat ng Kanyang alipin (tao) sa isang tinig na mapakikinggan sa kalayuan at sa malapitan na nagsasabing: “Ako ang Hari. Ako ang Tagapagsingil.” Sa ganito ring paraan, ang Allah(swt) ay magsasalita sa Kanyang mga Sugo o Anghel o kahit kaninumang Kanyang naising makausap o di kaya ibaba sa kanila ang Kanyang mga Aklat ng Kapahayagan na naglalaman ng Kanyang mga Salita sapagka't ang Banal na Katangian Niya sa pananalita ay katulad din ng mga Katangian Niya(swt) na hindi nalilikha (uncreated). Katotohanan din na ang Allah(swt), Luwalhati sa Kanya, ay mayroon ding Katangian ng Pagmamahal, Kasiyahan, Pagkasuklam o Pagkamuhi, Pagbaba o Pagpanaog, Pagbibigay buhay at kamatayan, ang Kasiyahan Niya sa Kanyang aliping (taong) nagbabalik loob at nagsisi ng kasalanan at ang Allah(swt) na ganap na malayo sa anumang kakulangan, ay matatanaw ng mga mananampalataya at nananalig sa Kanya sa Araw ng Paghuhukom sa kanilang sariling mga mata. Ang mga Katangiang ito ay hindi mga talinhaga kundi tunay na totoo tulad ng pagpapatunay ng Banal na Qur’an at Sunnah. Ang Allah(swt) ay nagsabi: “Sabihin: Siya ang Allah, ay Tanging Nag-iisa. Ang (Allah ay) As-Samadh. Hindi Siya ipinanganak at hindi nagkaanak. At sa Kanya ay walang makatutulad (at makapapantay). (Qur'an112:1-4) Ito ang matatag na batayang aming pinanghahawakan at ibinabantayog bilang tanda ng pagsunod sa Allah, ang pagbibigay galang sa Kanyang mga Pangalan at Katangian na hindi mababanaag ang anumang pagkakahalintulad, pagkakahawig sa paggalang na angkop lamang sa kaninumang tao. Ang Allah (swt) ay nagsabi rin: }“…Walang anumang bagay ang katulad Niya; at Siya ang Lubos na Nakaririnig, ang Lubos na Nakakikita.” (Qur'an 42:11) Kami ay sumasaksi na si Muhammad(sas) ay Kanyang Alipin at Sugo sa sangkatauhan at maging sa mga Jinn, at siya ay nagpalaganap ng mensahe ng Islam. Binigyan niya ng katuparan ang kanyang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya, pinatnubayan niya ang kanyang mamamayan (Ummah) na may katapatan at nanatiling nakikipaglaban para sa Landas ng Allah hanggang binigyang kaganapan ng Allah(swt) ang relihiyong Islam sa pamamagitan niya. Ang Allah(swt) ay nagsabi mula sa Banal na Qur’an: “… Sa araw ng ito, Aking binigyang ganap ang inyong relihiyon para sa inyo, at Aking binuo para sa inyo ang lahat ng pagpapala, at pinili Ko ang Islam bilang inyong Deen (relihiyon at panuntunan ng buhay).” (Qur'an 5:3) At pagkaraan nito, binawian siya ng buhay ng Allah(swt) at pinagkaloob sa kanya ang pinakamataas na kalagayan sa Paraiso. Ang Sugo ng Allah(swt) ay lumisan sa mundong ito at maging sa kanyang mga mamamayan ay lilisan din. Walang sinuman ang magkakaroon ng ganap na pananamplataya (Iman) hanggang ang kanyang mga pagnanasa, adhikain ay hindi umaayon sa mensahe na pinalaganap ni Propeta Muhammad(sas) at hangga't hindi niya minamahal si Propeta Muhammad(sas) nang higit sa kanyang sarili, sa kanyang mga anak at sa lahat ng sangkatauhan. Ang pagmamahal sa Sugo ng Allah(swt) ay isang pagpapahiwatig ng pagsunod sa kanyang mga kautusan, ang paniniwala sa kanyang mga pahayag at pag-iwas sa lahat ng kanyang ipinagbabawal. Ito ay nangangahulugan din ng pagsamba sa Allah(swt) sa paraang kanyang ipinag-utos at sinang-ayunan. Ang Sugo ng Allah(sas) ay hindi dapat itaas, o bigyan ng labis na papuri nang higit sa antas na ipinagkaloob sa kanya ng Allah sa pamamagitan ng pagdalangin sa kanya o paghingi ng tulong mula sa kanya. Ang Sugo ng Allah(sas) ay nagsabi: “Ang (diwa ng) dalangin ay pagsamba.” (Abu Dawood at Tirmidhi) At sinabi rin niya: “Katotohanan, Hindi ako ang dapat hingan ng tulong; (kundi) sa Allah (kayo magsikhay ng tulong), Siya ang Nag-iisang dapat hingan ng tulong (o pagdamay).” Ang paghingi ng tulong mula sa Sugo ng Allah(sas) o kahit kaninumang mabuting tao ay katumbas ng (kasalanang) Shirk, isang gawang politeismo. Gayundin, ang pagdalangin sa iba bukod sa Allah(swt) upang makatanggap ng mga biyaya o makapag-alis ng mga masasama sa pamamagitan ng mga ito, pag-alay ng mga hayop para sa kanila, ay nagpapahiwatig ng pagbibigay katambal sa Allah(swt) kahit na ito ay kinabibilangan ng mga litanya o dasal. Ang mga ito ay itinuturing bilang isang uri ng Shirk at isang dahilan upang mapaligaw sa tamang landas. Ang mga gawaing ito ay walang mga batayan mula sa Allah(swt). Ang Allah(swt) ay nagsugo ng mga Propeta upang maiwasan at alisin ang ugat ng idolatriya at linisin ang puso mula sa kasalanang ito. Walang lakas at kapangyarihan maliban sa Allah(sas), ang Kataas-taasan, ang Dakila. Kami ay naniniwala (at nananalig) na ang mga Anghel at ang mga Banal na Kasulatan ay totoo, ang mga Propeta ay totoo, ang Pagkabuhay na muli pagkaraan ng kamatayan ay totoo. Ang Paraiso ay totoo at ang Impiyerno ay totoo. Kami ay naniniwala rin na ang Timbangan (Ito ang Timbangan na siyang batayan ng pagsusuri ng masama at mabuting gawa ng tao sa Araw ng Paghuhukom) ay totoo, at ang Hawdh (ay isang ilog ng Sugo ng Allahr. Ito ang ilog na kung saan ang mga mabubuting mananampalataya ay pagkakalooban ng inumin sa Araw ng Paghuhukom. Ito ay tinatawag ding “Al Kawthar”) ng Propeta Muhammad(sas) ay totoo; sinuman ang uminom mula rito ay hindi makararanas ng pagkauhaw. Subali’t pagkakaitan mula rito ang mga Apostates (nagtakwil at tumalikod sa Islam pagkaraang nilang yakapin ito) at ang mga taong nagsagawa ng mga pagbabago sa relihiyon (Bi'daah). Kami ay naniniwala sa Qadar (kinahinatnan o kapalaran) maging mabuti o masama. Kami ay naniniwala na ang pamamagitan ni Propeta Muhammad(sas) at maging ang lahat ng mga Propeta at mga mabubuting tao ay totoo nguni't ito ay magaganap lamang kung pahintulutan ng Allah(swt). Siya ay nagsabi mula sa Banal na Qur’an: “… Sino ang makapamamagitan sa Kanya maliban Kanyang pahintulutan?…” (Qur'an 2:255) At Siya (Allah(swt)) ay nagsabi rin : “…‘Hindi sila makapamamagitan malibang siya ay kinalulugdan Niya …” (Qur'an 21:28) At ating Propeta(sas) ang siyang unang tagapamagitan at siya ang una na ang pamamagitan (intercession) ay tatanggapin. Mayroong natatanging pamamagitan na siya lamang ang pagkakalooban. Ang una rito ay ang tinatawag na Maqam Al Mahmoud o ang tinatawag na “Pinagkakapuring Antas” na ninanais din ng ibang mga Propeta at Sugo. Ang ikalawa ay ang pamamagitan (intercession) upang iahon ang kanyang tagasunod mula sa Impiyerno. Ang ikatlo ay ang pamamagitan ng pagpapalaya at pag-ahon ng kanyang mga tagasunod mula sa Impiyerno at ang pagpasok sa Paraiso pagkaraang sila ay maging malinis at mapatawad. Kami ay naniniwala na ang pinakamabuting henerasyon ay ang henerasyon ni Propeta Muhammad(sas) na naniwala sa kanya (i.e. ang kanyang mga kasamahan). At pagkaraan ay yaong mga sumunod sa kanila nang buong katapatan. Si Propeta Muhammad(sas) ay nagsabi: “Ang pinakamabuting henerasyon ay ang aking henerasyon, pagkaraan ay ang kanilang mga tagasunod, pagkaraan ay ang mga sumunod naman sa kanila.” Kami ay nananampalataya (at nananalig) na ang pinakamahusay (pinakamabuti) na salita ay ang Salita ng Allah(swt), ang pinakamabuting patnubay ay ang patnubay ni Propeta Muhammad(sas), na ang pinakamasamang bagay ay ang mga pagbabago sa gawaing pangrelihiyon, at ang bawa't pagbabago ay (tanda ng) pagkaligaw. Kung hindi lamang sa pangamba ng kahabaan nitong pagpapaliwanag, mailalarawan namin ang mga patunay ng bawa't katanungan mula sa Banal na Qur’an at Sunnah ni Propeta Muhammad(sas) at maging sa mga pinagkaisang pasiya (Ijma) ng mga naunang mabubuti at paham na Muslim. Nawa’y patnubayan tayo ng Makapangyarihang Allah(swt) sa tuwid na landas sa lahat ng ating mga gawa at salita. Nawa'y pangalagaan tayo mula sa mga pagsubok na nakapagpapaligaw, maging lantad man o nakakubli. Tayo ay dumalangin sa Allah(swt) na ipagkaloob sa atin ang katatagan sa pagsunod sa Islam at tulutan Niyang(swt) tayo ay mamatay sa kalagayang Islam. Nawa’y ang kapayapaan at pagpapala ng Allah(swt) ay ipagkaloob Niya(swt) sa ating minamahal na Propeta Muhammad(sas) at sa kanyang pamilya.