البحث

عبارات مقترحة:

الحق

كلمة (الحَقِّ) في اللغة تعني: الشيءَ الموجود حقيقةً.و(الحَقُّ)...

الأكرم

اسمُ (الأكرم) على وزن (أفعل)، مِن الكَرَم، وهو اسمٌ من أسماء الله...

المتعالي

كلمة المتعالي في اللغة اسم فاعل من الفعل (تعالى)، واسم الله...

Ang Pananaliksik Tungo sa Katotohanan

الفلبينية (تجالوج) - Tagalog

المؤلف Salih As-salih ، Nur Maguid
القسم كتب وأبحاث
النوع نصي
اللغة الفلبينية (تجالوج) - Tagalog
المفردات تفسير طبقة الصحابة
Ang Pananaliksik Tungo sa Katotohanan Sinulat sa Wikang Ingles ni: Ang Pambungad Si Salman at ang Kanyang Talambuhay Ang Panimula Ang Naiibang Relihiyon? Pag-usbong ng Interes Ang Pagsalungat Ang Kanyang Pagtakas Ito na iyon, subali’t…! Ang Masidhing Hangarin Ang Panibagong Paglalakbay Isa Pang Paglalakbay Ang Malaking Pagbabago Ang Pagpapaalipin ay sa Allah Lamang Subali't Sila ay Darating! Mga Pinagkunan  Ang Pananaliksik Tungo sa KatotohananNg Isang Taong Kilala sa Pangalang "Salman - Ang Persiyano" Sinulat sa Wikang Ingles ni:Dr. Saleh As-SalehIsinalin sa Wikang Pilipino ni:Mohammad B. MendozaijkSa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin. Ang PambungadAng lahat ng papuri ay para sa Allah [swt][1] lamang, sa Kanya kami sumasamba, humihingi ng tulong at kapatawaran. Kami ay nagpapakupkop sa Allah – ang Kataas-taasan, laban sa aming masasamang gawain at sa lahat ng kasamaan ng aming mga sarili. Sinumang ginabayan ng Allah sa tamang landas, walang sinumang makapagliligaw sa kanya, at sinumang hinayaang maligaw ng Allah, walang sinumang makapaggagabay sa kanya. Ako ay sumasaksi na walang ibang tunay na diyos na dapat sambahin maliban lamang sa Allah, ang Nag-iisa, ang walang katambal. At ako ay sumasaksi na si Muhammad[2] ay Kanyang Alipin at Sugo. Nawa'y ipagkaloob ng Allah – ang Kataas-taasan, ang Kanyang Kapayapaan at Pagpapala sa huling Propeta na si Muhammad, sa kanyang butihing pamilya at sa lahat ng kanyang mga kasamahan.Sa kasalukuyan, maraming tao ang nababahala tungkol sa Islam, subali't ang kanilang kaalaman tungkol sa pananampalatayang ito ay maaaring magbago. Ang kanilang kaalaman ay maaaring nakamit lamang nila mula sa isang lathalain, aklat, o kabahagi lamang ng isang pangrelihiyong aklat-aralin na kanilang nabasa sa mataas na paaralan. O maaaring may kilala silang mga Muslim, o kaya'y napadaan sila sa isang Masjid, o di kaya nama'y nakapanood ng isang dokumentaryo o panggabing balita, o maaaring sila'y nakapaglakbay sa bansa ng mga Muslim. Para sa iilan, ang Islam ay "isang kakaibang relihiyon", subali't para sa nakararami, ito ay isang bagay na nakakaakit malaman. Isinulat ko ang aklat na ito para sa sinumang nagsasaliksik ng mga kaukulang kasagutan sa mga katanungang bumabagabag sa kanilang kalooban. Katulad ng mga katanungang: "Sino nga ba ako? Sino ang Tunay na Diyos? Ano ang tamang landas tungo sa kaligtasan? Ang Islam ba? Kung sakaling ako ay maging isang Muslim, ano kaya ang maidudulot nito sa akin, sa aking pamilya, at sa buong sambayanan?" Sa kasalukuyan, maraming tao ang nakauunawa na ang lahat ng makamundong bagay at sekular na pag-unlad na namamayani sa pamayanan ay nagbubunga ng espiritwal na kakulangan, na kung saan ito'y nag-aakay sa panlipunan, pangkabuhayan, pangpulitikal at pangkaisipang suliranin. Sa dahilang ito, silang mga dating nagsasabing, "Hayaang mamuhay sa mundong ito at magsaya" o di kaya'y sa mga nagsasabing "Hoy! Hindi namin hinangad na malaman ang tungkol sa Diyos" ay siyang naghahanap ngayon ng katotohanan. Sila'y nagtatanong ng mga katanungang katulad ng mga nabanggit sa itaas. Ito ay sa dahilang nauunawaan ng tao kung ano ang mabuti at masama, at kung ano ang tama at mali. Hindi napapalagay kapag ang mga katangian ng Allah ay ibinababa, at ganoon din kapag ang katangiang pantao ay iniaakibat sa Kanya. Nauunawaan nito na hindi maaaring may hihigit pa sa Isa at Tanging Tunay na Diyos, at sa Isa at tanging tunay na pananampalataya na Kanyang tatanggapin. Hindi ipinag-utos ng Allah na ikaw ay sumamba sa Kanyang mga nilikha, bagkus, Kanyang ipinag-utos na Siya lamang ang dapat sambahin. Gayundin, hindi Niya ipinag-utos na sambahin si Hesus [Alayhi-is-Salam][3], si Buddha, ang apoy, ang liwanag, si Krisna, si Jose [Smith], ang araw, ang buwan, si Khomeini, si Rama, ang mga templo, ang mga propeta, si Elijah, si Farakhan, ang krus, ang puno, ang trinidad, ang mga santo, ang mga pari, ang mga monghe at anupamang bagay na pawang mga nilikha lamang.Lahat ng bagay maliban sa Allah ay mga nilikha lamang! Sila ay hindi ganap. Silang lahat ay may pangangailangan, nguni't ang Allah ay may Kasapatan sa Sarili. Siya ang Una at wala nang nauna pa sa Kanya at Siya ang Huli at wala nang susunod pa sa Kanya. Sa Kanya magbabalik ang lahat. Hindi Siya ipinanganak at hindi rin Siya nagkaanak. alang sinumang tao ang nagbigay sa Kanya ng pangalang Allah, bagkus, Siya ang nagbigay ng pangalang ito para sa Kanyang sarili. Ito ay nangangahulugan ng: "Ang Tunay at Tanging Diyos na Karapat-dapat Sambahin". Hindi Siya Diyos ng isang bansa o ng isang tribu. Siya ang Lumikha ng lahat ng bagay. Kaya naman, nararapat lamang na tayo ay sumuko sa Kanya, at ang uri ng pagsukong ito ang tinatawag na "Islam".Ang pag-aalinlangan ay nabuo sa isipan at puso ng tao nang sila'y magsimulang sumamba, bukod pa sa Allah, sa mga nilikha, maging ito man ay may buhay o patay. Sa huling Kapahayagan na ipinadala sa sangkatauhan [ang Banal na Qur'an], malinaw na ipinaliwanag ng Allah ang dahilan ng pagkakalikha sa tao sa mundong ito. Ang tao ay inaanyayahang mamuhay nang naaayon sa pamamaraang ipinag-utos ng Allah sa kanya, panlabas man o panloob. Ito ang kahulugan ng pagsamba sa pananampalatayang Islam at ito ang layunin kung bakit tayong lahat ay nilikha. Bagaman may mga taong tumanggap sa Allah bilang Nag-iisang Tunay na Diyos na karapat-dapat sambahin, nguni't sila ay hindi namumuhay nang naaayon sa mga kautusan ng Allah. Ang pamamaraan ng kanilang pagsamba ay lihis sa katuruan ng Islam. Hindi sila ang dapat gawing batayan upang husgahan ang Islam. Ang Islam ay ganap, nguni't ang tao ay hindi. Tayo ay inaanyayahang manaliksik tungo sa Islam.Ang layunin ng aklat na ito ay upang anyayahan ang sangkatauhan na hanapin ang kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng pagsusuri sa kasaysayan ng mahabang pananaliksik ng isang taong kilala sa pangalang Salman 'Al-Farisee' o 'ang Persiyano'. Bakit nga ba hindi? Batid na ba natin ang lahat ng bagay? Kapag alam natin na hindi tayo ang nagmamay-ari ng hangin na ating nilalanghap at hindi tayo nilikha nang walang kadahilanan, o hindi tayo ang lumikha ng ating mga sarili, magiging likas sa bawa't isa na maghangad upang maragdagan ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos [Allah]. Siya ang lumikha sa atin, nagbigay ng buhay, at Siya, sa Araw ng Pagsusulit ay tatawag sa atin upang magbalik sa Kanya. Sa Araw na yaon, maaaring walang hanggang Pagpapala o kaya naman ay walang hanggang Kaparusahan ang ating makakamtan. Si Salman at ang Kanyang Talambuhay Ang PanimulaWalang sinuman ang makapagsasalaysay ng talambuhay ni Salman ng hihigit pa sa kanyang sarili. Isinalaysay ni Salman ang kanyang talambuhay sa isa sa kanyang kasamahan at isa sa malapit na kamag-anak ni Propeta Muhammad na kinilalang si Abdullah bin' Abbaas, na siya namang nagbahagi ng kuwentong ito sa iba. Sa simula ng kanyang salaysay, si Ibn' Abbaas ay nagsabi:Ayon kay Salman, "Ako ay isang taong Persiyano na nagmula sa angkan ng Isfahaan[4], sa isang bayan ng Jayi. Ang aking ama ay dating pinuno ng bayang ito. Para sa kanya, ako ang pinakamamahal na nilikha ng Allah. Ang kanyang pagmamahal sa akin ay umabot sa puntong kanyang ipinagkatiwala sa akin ang pangangasiwa ng apoy[5] na kanyang sinisindihan. Hindi niya ito hinahayaang mawalan ng ningas."Ito ay palatandaan ng pagiging isang mabuting anak para sa kanyang ama. Dito, si Salman ay gumamit ng tunay na pangalan ng Diyos, ang Allah. Ang pangalang Allah ay ang pangalang ginamit ng lahat ng mga Propeta at Sugo. Ang pangalang Allah ay parehong pangalan ng Diyos sa wikang Aramaik na salitang ginamit ng ating mahal na Propetang si Hesus. Ang Naiibang Relihiyon?"Ang aking ama ay nagmamay-ari ng malawak at masaganang lupain. Isang araw, habang siya ay abala sa kanyang gawain, inatasan niya akong magtungo sa kanyang lupain upang pansamantalang gampanan ang kalimitang kanyang ginagawa roon. Sa aking paglalakad papunta sa kanyang nasasakupang lupain, ako'y napadaan sa isang simbahan ng mga Kristiyano. Aking narinig ang ingay ng mga taong nagdarasal sa loob nito. Hindi ko alam kung papaano namumuhay ang mga tao sa labas, sapagka't pinamalagi ako ng aking ama sa loob ng kanyang bahay! Kaya nang ako ay mapadaan sa mga taong yaon [sa simbahan] at marinig ang kanilang mga tinig, ako'y pumasok upang panoorin kung ano ang kanilang ginagawa." Pag-usbong ng Interes"Nang sila'y aking makita, nagustuhan ko ang kanilang pagdarasal at ako'y naging interesado sa bagay na iyon [ang kanilang relihiyon]. Ang sabi ko sa aking sarili, 'Sumpa man sa Allah, ang relihiyong ito ay higit na mainam kaysa sa amin'." Ang isipan ni Salman ay palaging bukas at malaya mula sa bulag na panggagaya."Sumpa man sa Allah, hindi ko sila nilisan hanggang sa magtakipsilim. Hindi na rin ako nagtungo sa lupain ng aking ama."Binigyan ni Salman ng pagkakataon ang kanyang sarili na makapagmuni-muni sa relihiyong ito, na sa mga sandaling yaon, kanyang inakala na iyon na ang tamang pananampalataya. Ang pang-unawa at mabuting kalooban na may kalakip na pagtitiis ay mga katangiang kinakailangan upang mapalaya ang isang sarili mula sa nakakulong na kaisipang katulad ng; "Susubukan kong hanapin, nguni't sa kasalukuyan ako ay abala", at kung anu-ano pa. Nakalimutan natin na ang kamatayan ay maaaring kumatok sa pintuan ng bawa't isa sa lalong madaling panahon kaysa sa inaasahan ng iba."Tinanong ko ang mga tao sa loob ng simbahan kung saan nagmula ang relihiyong ito."Ang paghahanap sa 'pinagmulan' ay isang gabay para sa mga naghahanap ng tunay na relihiyon. Ang 'pinagmulan' at 'diwa' ay mga pangunahing kataga na maaaring makatulong sa proseso ng paghahanap ng katotohanan. Ano ba ang 'pinagmulan' ng Islam at ano nga ba ang 'diwa' nito? Ang Islam ay nagmula sa Allah, ang Tagapaglikha, ang Tunay na Diyos, at ang diwa nito ay ang pagsuko sa Kanya."Kanilang sinabi na ito ay nagmula sa Ash-Shaam."[6] Ako'y bumalik sa aking ama na noo'y nag-aalala at nagpadala pa ng isang tao upang sumundo sa akin. Sa aking pagdating, kaagad niya akong tinanong, O aking anak! Saan ka ba nagpunta? Hindi ba't may ipinagkatiwala akong gawain sa iyo? Ako ay sumagot, O aking ama, ako ay napadaan sa ilang tao na nagdarasal sa kanilang simbahan at nagustuhan ko ang kanilang relihiyon. Sumpa man sa Allah ako ay nanatili roon hanggang sa abutan ako ng takipsilim." Sadyang kahanga-hanga ang katapatang ipinakita ng isang taong nakaaalam nang lubos sa tungkulin ng kanyang ama sa kanyang relihiyon. Ito ay isang uri ng panimula na nararapat taglayin ng isang taong naghahanap ng katotohanan. Ang Pagsalungat"Ang sabi ng aking ama sa akin, 'O anak! Walang kabutihan sa relihiyong iyan, ang iyong relihiyon at ang relihiyon ng iyong mga ninuno ang higit na mainam'."Ito ang karaniwang sinasabi ng mga taong nagbubulag-bulagang sumusunod sa ibang pananampalataya. Ito ay nagpapaalaala sa atin sa sinabi ng Allah:﴿وَقَالَ ٱلَّذِينَ كَفَرُواْ لَا تَسمَعُواْ لِهَذَا ٱلقُرءَانِ وَٱلغَواْ فِيهِ لَعَلَّكُم تَغلِبُونَ﴾At silang mga hindi naniniwala ay nagsabi, 'Huwag makinig sa Qur'an na iyan, bagkus ay mag-ingay kapag binibigkas nila ito, baka sakaling kayo ang mangibabaw'. [Surah Al-Fusilat-41:26]﴿بَل قَالُواْ إِنَّا وَجَدنَا ءَابَاءَنَا عَلَى أُمَّة وَإِنَّا عَلَى ءَاثَرِهِم مُّهتَدُونَ﴾Katotohanan, aming natagpuan ang aming mga (ama) ninuno na sinusunod ang isang pamamaraan ng relihiyon, at kami ay sumusunod at iginabay ang aming mga sarili sa kanilang mga yapak. [Surah Al-Zukhruf-43:22]﴿ قَالُواْ بَل نَتَّبِعُ مَا وَجَدنَا عَلَيهِ ءَابَاءَنَا ﴾At aming susundin kung ano ang aming nakita sa aming mga ninuno… [Surah Luqman-31:21]﴿ مَّا سَمِعنَا بِهَذَا فِي ءَابَائِنَا ٱلأَوَّلِينَ﴾…Hindi namin narinig ang mga ganitong bagay sa aming mga ninuno. [Surah Al-Mu'minoon-23:24]Maraming pagkakataon, na kapag kinausap mo ang isang taong yumakap sa Islam mula sa ibang relihiyon, sinasabi nila na kanila nang narinig ang mga ganitong argumento kung saan binanggit ng Allah ang mga hindi nananampalataya. Ang usapin ay magkakatulad. Ito ay magsisimula sa paraang, "Nais mo bang lisanin o kalimutan ang relihiyon ng iyong mga magulang at mga ninuno?" Hindi lamang iyan, ang mga magulang at ang buong pamilya sa kabuuan ay hindi sasang-ayon sa isang kapamilya na nagpalit ng kanyang relihiyon. Ang magiging bunga ng pagsalungat na ito ay maaaring umabot sa puntong pananakot at pagbabanta sa kanyang buhay hanggang sa siya'y itakwil. Ito ang pangkalahatang nagaganap, subali't kung minsan may ilan ding mga pangyayaring bahagyang pagsalungat at di-pagpanig."Sinagot ko ang aking ama nang ganito, 'Hindi! Sumpa man sa Allah, ito ay higit na mabuti kaysa sa ating relihiyon'."Mahal niya ang kanyang ama, subali't hindi niya ito labis na pinuri. Hindi siya nakipagkasundo tungkol sa kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon hinggil sa katotohanan. Ano naman kaya ang naging tugon ng kanyang ama?Dagdag pa ni Salman: "Binalaan niya ako, ikinadena niya ang aking mga paa at ikinulong niya ako sa loob ng kanyang bahay."Isang ama na pinahihirapan ang kanyang pinakamamahal na anak upang mailayo lamang sa pagtuklas ng katotohanan! Maraming mga Propeta ang sinalungat, pinaratangan at inalipusta ng kanilang mga kamag-anak dahil sa kanilang pagsuway sa kanilang mga kinaugalian! Naging dahilan ba ito upang manahimik na lamang si Salman? Ang Kanyang PagtakasAyon sa kanya, "Ako ay nagpadala ng liham sa mga Kristiyano na humihiling sa kanila na ipaalam kaagad nila sa akin ang pagdating ng sinumang nangangalakal na Kristiyano na magmula sa Ash-Shaam. Sa kabutihang palad, isang grupo ang dumating at ipinabatid kaagad nila ito sa akin, kaya naman ipinagbilin kong kapag natapos na sila sa kanilang pangangalakal ay ipaalam kaagad nila sa akin bago sila bumalik sa kanilang bansa. Makaraang matapos nila ang kanilang pangangalakal, ipinaabot nila sa akin ang kanilang muling pagbabalik sa kanilang bansa, sa pagkakataong iyon ay sinikap kong tanggalin ang kadenang nakatali sa aking mga paa at sumama ako sa kanilang pagbabalik sa Ash-Shaam." Hindi siya sumuko sa di-makatarungang batas ng kanyang ama. Siya ay patuloy na nakibaka sa paghahanap ng katotohanan, na siyang nag-akay sa kanya upang matanto ang katotohanan tungkol sa Tagapaglikha – ang Allah.﴿وَٱلَّذِينَ جَهَدُواْ فِينَا لَنَهدِيَنَّهُم سُبُلَنَا وَإِنَّ ٱللَّهَ لَمَعَ ٱلمُحسِنِينَ﴾Sa mga nakikibaka tungo sa Aming[7]Landas, tunay na Amin silang gagabayan sa Aming Landas [ang Islam na relihiyon ng Allah – Kaisahan ng Allah]. [Surah Al-Ankabot-29:69] Sa kabila ng katotohanang ang kanyang lalakbayin ay malayong lugar at di-pangkaraniwang lupain para sa kanya, nagpasya pa rin si Salman na maglakbay upang hanapin ang katotohanan. Batid ng Allah ang kanyang katapatan, na naging daan upang maging madali para sa kanya ang paglalakbay tungo sa lupain ng Ash-Shaam. Ito na iyon, subali’t…!"Sa aking pagdating ako'y kaagad nagtanong, 'Sino sa inyo ang pinakamahusay na tao sa inyong relihiyon?' "Si Salman ay naghahanap nang malinaw na katotohanan, kaya naman hinanap niya ang pinakamaalam na tao sa kanilang pananampalataya sa bayan ng Ash-Shaam. Bakit nga ba hindi? Sadyang likas sa tao ang paghahanap ng pinakamasarap na pagkain, pinakamainam na asawa at pinakamaayos na kasuotan. Subali't si Salman ay naghahanap ng pinakamainam na pananampalataya."Sila ay nagsabi, 'Ang obispo, siya ay nasa simbahan.' Nagtungo kaagad ako sa kanya at siya ay aking kinausap. 'Nagustuhan ko ang pananampalatayang ito, at ninanais kong makasama at mapaglingkuran ka sa iyong simbahan, at upang matuto sa iyo at makasama sa iyong pagdarasal'. "Sa simula pa lamang, alam ni Salman na ang pagkakaroon ng kaalaman ay makakamtan lamang niya kung siya ay makikihalubilo sa kanila. Bilang kabayaran, handa niyang ipaalipin ang kanyang sarili sa paglilingkod sa obispo. Ang pagpapakumbaba para sa isang naghahanap ng katotohanan ay isang magandang dahilan upang mapalapit dito nang lubusan. Ang kawalan ng pagpapakumbaba, ang maaaring mangibabaw ay ang pagmamalaki. Bagaman nakikita na ng tao ang palatandaan ng katotohanan, nguni't ang kanilang pagmamalaki ang siyang nagtataboy sa kanila tungo sa pagkawasak.﴿وَجَحَدُواْ بِهَا وَٱستَيقَنَتهَا أَنفُسُهُم ظُلما وَعُلُوّا فَٱنظُر كَيفَ كَانَ عَقِبَةُ ٱلمُفسِدِينَ﴾At sila'y nagtakwil sa [Aming mga Tanda, patunay, talata, aral, kapahayagan at iba pa] nang may pagkakamali at pagmamalaki, bagaman batid nila sa kanilang mga sarili na ang [mga Tandang ito ay nagmula sa Allah] [Surah An-Naml-27:14]Ang kayamanan, katayuan sa lipunan, at ang iba pang natatanging bagay ay hindi nararapat maging hadlang sa sinumang tao sa paghahanap ng katotohanan, na makasisira sa kanyang kinabukasan. Ang lahat ng bagay ay maglalaho, at ang tao ay hahantong sa kanyang libingan nang walang anumang makakasama maliban lamang sa kanyang mga gawa. Ang mga gawaing ito ay yaong nasa puso [paniniwala], nasa dila, at ang nasa dibdib ang siyang nagpapatotoo sa mga gawain ng puso. Sumuko na ba ako sa aking Tagapaglikha? Ako ba ay namuhay nang naaayon sa Kanyang ipinag-utos na ipinaliwanag sa Banal na Qur'an at sa pamamagitan ng mga aral ng Huling Sugo na si Muhammad? Ito ang bagay na ating mapakikinabangan sa Araw ng Paghuhukom.﴿يَومَ لَا يَنفَعُ مَال وَلَا بَنُونَ٨٨ إِلَّا مَن أَتَى ٱللَّهَ بِقَلب سَلِيم٨٩﴾Sa Araw kung saan walang kayamanan o anak ang makatutulong, maliban sa kanya na haharap sa Allah na may malinis na puso [mula sa politiesmo, at pagkukunwari.] [Surah Ash-Shu'raa-26:88-89]"Ang tugon sa akin ng obispo, 'Maaari kang pumasok at manatili sa piling ko,' kaya ako ay sumama sa kanya. Paglipas ng ilang panahon, natuklasan ni Salman ang kakaibang ugali at asal ng obispo. Siya ay isang masamang tao na nag-uutos sa tao na magbigay ng kawanggawa, na kanyang itinatago at iniipon para sa kanyang sariling kapakanan lamang. Hindi niya ito ipinamamahagi sa mahihirap. Siya ay nakapagpundar ng pitong banga na puno ng ginto at pilak!"Ito'y isang halimbawa ng isang mapagsamantala at masamang tao na matatagpuan sa lahat ng lugar at pagkakataon, sila ang mapagsamantala at mapagkunwaring tao. Si Salman ba ay nanatiling nakisama sa isang mapagsamantalang taong iyon? Hindi! Bagkus siya ay nagpatuloy sa sumunod na antas ng kanyang pananaliksik. Hindi siya tumalikod sa paghahanap ng katotohanan."Kinasuklaman ko siya dahil sa kanyang masasamang gawain."Malinaw na ang kanyang pagkamuhi sa obispo ay hindi naging hadlang sa paghahanap niya ng katotohanan. Ang Allah – ang Kataas-taasan, ang nagbigay ng gabay sa kanya, sa kabila ng kanyang masidhing paghahangad na matagpuan ang katotohanan.Lumipas ang mga araw at ang nasabing obispo ay pumanaw. Ang mga Kristiyano ay nagsama-sama upang siya ay ilibing. Ipinaalam ko sa kanila na siya ay isang masamang tao na nag-uutos sa tao na magbigay ng kawanggawa para lamang sa kanyang sariling kapakinabangan, at hindi niya ipinamamahagi ang mga ito sa mahihirap. Sila'y nagsabi, 'Papaano mo nalaman ang mga ito?' Ako ay sumagot, ipakikita ko sa inyo ang kanyang naipong kayamanan.' Kanilang sinabi, 'Ipakita mo sa amin!' Ipinakita ko sa kanila ang lugar kung saan matatagpuan ang nakatagong yaman at kanilang nasaksihan ang pitong banga na puno ng ginto at pilak. Makaraang masaksihan nila ang nakakubling yaman, sila ay nagsabi, 'Sumpa man sa Allah hindi namin siya ililibing.' Kaya kanila itong ipinako sa krus at pinagbabato.[8]  Ang Masidhing HangarinAyon kay Salman, "Pinalitan nila ang kanilang obispo. Hindi ko nasaksihan kaninuman [sa kanila] na nagdasal ng limang ipinag-uutos na pagdarasal nang higit pa kaysa sa kanya [ang bagong obispo], o sa isang taong inilayo ang sarili sa buhay sa mundong ito at pinaghahandaan ang Kabilang Buhay; o sa isang tao na nagtatrabaho sa gabi't araw. Minahal ko siya ng higit kaysa dati kong minahal."May limang itinakdang pagdarasal sa Islam. Itinuro ng Allah kay Propeta Muhammad ang tamang paraan kung papaano isagawa ang mga dasal na ito, gayundin ang magkakaibang oras na itinakda na nauukol dito. Hindi ito katulad ng pagdarasal na kinaugalian at isinasagawa ng ilang tao. Ang pagdarasal [Salaah] ay haligi ng Islam. Kung ito ay naisagawa nang naaayon sa pamamaraan ni Propeta Muhammad, ito'y makapagpapadalisay sa kanyang mga kasalanan at maling gawain na maaaring nagawa niya sa loob ng araw na iyon."Nanatili ako sa kanya ng ilang panahon bago sumapit ang kanyang kamatayan. Nang nalalapit na ang kanyang kamatayan, kinausap ko siya, 'O obispo [siya na kanyang nakasama], ako ay nanatili sa iyo at minahal kita nang higit sa anumang bagay na minahal ko noon. Ngayon, ang Hatol ng Allah [ang kamatayan] ay dumating na, kaya sino ang iyong maisasangguni sa akin [upang aking sundin], at kanino mo ako ihahabilin?"Sinimulan ni Salman na magmuni-muni kung sino ang maaari niyang makasama pagkaraan ng kamatayan ng nasabing obispo. Sa muli siya ay naghahanap kung sinong matuwid na tao ang kanyang makakasama na may sapat na kaalaman. Ang kanyang pagpupunyagi at pagiging handa sa paghahanap ng katotohanan ay lalo pang naging matatag."Ang sabi sa akin ng obispo, 'Sumusumpa ako sa Allah! Ang tao ay sadyang nangaligaw, kanilang pinalitan at binago [ang kanilang pananampalataya] na dating kanilang itinataguyod. Wala akong kilalang tao na patuloy na pinanghahawakan ang tamang relihiyon na aking tangan-tangan maliban sa isang taong nasa Al-Musil,[9] kaya puntahan mo siya,' [at ibinigay niya sa akin ang pangalan]." Ang Panibagong PaglalakbayNang mamatay ang obispo, si Salman ay nagtungo sa Al-Musil at nakipagkita sa taong ipinagbilin sa kanya. "Sinabi ko sa kanya: ‘May isang taong nagsabi sa akin bago siya namatay na hanapin kita upang ikaw ay aking makasama. Sinabi niya sa akin na nagtataguyod ka ng relihiyong katulad nang sa kanya’." Tinanggap siya at sinabi sa kanya ng taong taga-Al-Musil na manatili siya sa kanya. "Nanatili ako sa kanyang piling at napag-alaman kong isa siya sa pinakamainam na taong nagtataguyod ng pananampalatayang katulad ng sa nauna kong nakasama." "Ayon kay Salman, paglipas ng maikling panahon, ang taong yaon ay namatay din." Bago sumapit ang kamatayan sa taong nabanggit, hiniling ni Salman sa kanya na magrekomenda ng isang taong nagtataguyod ng relihiyong katulad ng sa kanya. Ang sabi sa kanya ng lalaking iyon, "Sa Ngalan ng Allah! Wala akong kilalang sinuman na nagtataglay ng katulad ng ating [relihiyon] maliban sa isang taong iyong matatagpuan sa Naseebeen[10], at ang kanyang pangalan [ay ganito at ganoon], kaya puntahan mo siya at makisama ka sa kanya." Isa Pang Paglalakbay"Pagkaraan ng kanyang kamatayan, ako'y naglakbay upang hanapin ang taong kanyang sinabing matatagpuan ko sa Naseebeen." Sa kabutihang palad nakita kaagad ni Salman ang taong ito at nakisama siya rito sa loob lamang ng maikling panahon. Ang katulad na mga kaganapan sa mga nauna niyang mga nakasama ay naganap muli. Dumating ang kamatayan, nguni't bago pa man sumapit ang kamatayan ng nasabing tao, lumapit si Salman sa kanya upang humingi ng payo kung sino ang kanyang maaaring makasama at kung saan siya paroroon. Ibinilin ng taong ito kay Salman na puntahan niya ang isang tao sa lugar ng Amooreeyah[11] na nagtataguyod din ng relihiyong katulad ng sa mga naunang nakasama niya."Pagkaraang mamatay ang kanyang huling nakasama, si Salman ay nagtungo sa Amooreeyah. Natagpuan niya rito ang bago niyang makakasama sa kanyang relihiyon. Sa pagkakataong iyon, bukod pa sa kanyang paglilingkod sa simbahan, siya ay nakapagtrabaho at nagkaroon ng ilang baka at tupa bilang kanyang sariling pag-aari. Ang kumita sa paraang mabuti at naaayon sa batas ng Diyos ay napakahalaga sa isang mananampalataya. Katunayan, ang impluwensya ng salapi ay sadyang napakalaki. Marami ang nagbebenta ng kanilang mga sarili at ng kanilang prinsipyo sa murang halaga lamang. Marami rin ang naging mapagkunwari dahil sa pera. Mayroon din namang tao na kahit na mawalan sila ng malaking halaga ay nananatili pa ring nakatayo kapalit ang katotohanan. Ito ang naghahatid ng kapayapaan sa puso at isipan ng isang tao.  Ang Malaking PagbabagoAng kanyang nakasamang taga-Amooreyah ay dinatnan din ng kamatayan. Bago pa man siya namatay ay tinanong din siya ni Salman katulad ng naitanong niya sa mga nauna niyang mga nakasama. Subali't sa pagkakataong ito iba na ang isinagot sa kanya ng taong huli niyang nakasama. Ito ang sinabi sa kanya ng nasabing tao: O aking anak! Wala akong alam na taong nagtataguyod pa ng relihiyong katulad ng sa atin. Subali't isang propeta ang uusbong sa inyong panahon, at ang Propetang ito ay nagtataglay ng relihiyong katulad ng relihiyon ni Abraham."Batid ng obispo ang Pananampalataya ni Abraham. Ito ang pinagmulan ng Monoteismo (paniniwala sa Isang Tunay na Diyos), at nag-aanyaya sa pagsamba sa Allah lamang. Alam ng obispo kung ano ang inihabilin ni Abraham sa kanyang mga anak.﴿وَوَصَّى بِهَا إِبرَهِمُ بَنِيهِ وَيَعقُوبُ يَبَنِيَّ إِنَّ ٱللَّهَ ٱصطَفَى لَكُمُ ٱلدِّينَ فَلَا تَمُوتُنَّ إِلَّا وَأَنتُم مُّسلِمُونَ١٣٢﴾At ito [pagsuko sa Allah – Islam] ay inihabilin ni Abraham sa kanyang mga anak [na ginawa rin[ ni Jacob, at kanyang sinabi, 'O aking mga anak! Pinili ng Allah para sa inyo [ang tunay] na relihiyon, kaya huwag mamatay ng wala sa Pananampalatayang Islam. [Surah Al-Baqarah-2:132] Napangasawa ni Abraham sina Sarah at Hagar. Ang kanyang naging anak mula kay Sarah ay si Isaac, at ang kanyang mga inapo mula kay Isaac ay sina Jacob, Joseph, David, Solomon, Moises at Hesus [Alaihimus-Salaam], at ang mula naman kay Hagar ay si Ismael na nagsalin-lahi hanggang lumabas si Muhammad. Si Ismael ay lumaki sa Becca [na kilala rin bilang Makkah] sa Arabia, at si Muhammad ay nagmula sa kanyang salin-lahi.Batid ng taong ito na ang pananampalataya ni Abraham ang tamang relihiyon na karapat-dapat sundan at tularan. Kanyang nabasa ang pangako ng Allah na magtatag ng isang "Dakilang Pamayanan" mula sa salin-lahi ni Ismael [Genesis 21:18], kaya pinayuhan niya si Salman na hanapin at sumama sa Propetang nagmula sa salin-lahi ni Ismael na sumuko sa Allah at sumunod sa landas ni Abraham.﴿رَبَّنَا وَٱبعَث فِيهِم رَسُولا مِّنهُم يَتلُواْ عَلَيهِم ءَايَتِكَ وَيُعَلِّمُهُمُ ٱلكِتَبَ وَٱلحِكمَةَ وَيُزَكِّيهِم إِنَّكَ أَنتَ ٱلعَزِيزُ ٱلحَكِيمُ١٢٩﴾ Aming Panginoon [Rabb[12]]! Magpadala Ka sa kanila ng Sugo mula sa kanilang lupon, na siyang bibigkas sa kanila ng Iyong mga Talata at magtuturo sa kanila sa Aklat na ito [ang Banal na Qur'an] at 'Al-Hikma' [Tigib ng mga Kaalaman na nagmula sa Allah na ipinadala sa mga Propeta, at iba pa], na magpapadalisay [sa kanilang mga kasalanan]. Ikaw ang Ganap na Makapangyarihan – ang Ganap na Maalam. [Surah Al-Baqarah-2:129]﴿ثُمَّ أَوحَينَا إِلَيكَ أَنِ ٱتَّبِع مِلَّةَ إِبرَهِيمَ حَنِيفا وَمَا كَانَ مِنَ ٱلمُشرِكِينَ١٢٣﴾Pagkaraan, ikaw [O Muhammad] ay binigyan Namin ng inspirasyon [magsasabi], 'Sundin mo ang relihiyon ni Abraham 'Hanifan' [Monoteismo – ang sumamba lamang sa Allah] at hindi siya isang 'Mushrikoon' [politiesta, pagano, sumasamba sa diyus-diyusan, di-naniniwala sa Kaisahan ng Allah at sa Kanyang Sugo, sila na sumasamba sa iba maliban sa Allah o nagtatambal sa kanilang pagsamba sa Allah, at iba pa.] [Surah An-Nahl-16:123]﴿إِنَّ أَولَى ٱلنَّاسِ بِإِبرَهِيمَ لَلَّذِينَ ٱتَّبَعُوهُ وَهَذَا ٱلنَّبِيُّ وَٱلَّذِينَ ءَامَنُواْ وَٱللَّهُ وَلِيُّ ٱلمُؤمِنِينَ٦٨﴾Katotohanan, ang higit na may karapatang umangkin kay Abraham ay yaong mga taong sumusunod sa kanya, at ang Propetang ito (Muhammad) at yaong mga naniniwala (mga Muslim). Ang Allah ang Wali (Tagapagtanggol) ng mga mananampalataya. [Surah Al-Imran-3:68]Inilarawan ng taong ito ang naturang Propeta sa pamamagitan ng paglalarawan ng ilang mga palatandaan: "Siya ay ipadadala na may pananampalatayang katulad ng kay Abraham. Siya ay magmumula sa lupain ng Arabia at lilikas patungo sa isang lugar na matatagpuan sa pagitan ng dalawang mga lupain na puno ng mga batong itim [na tila baga nasunog ng apoy]. May mga punong palmerang nagkalat sa pagitan ng dalawang lupaing ito. Siya ay makikilala sa pamamagitan ng mga natatanging palatandaan. Siya ay [tatanggap at] kakain [mula] sa [pagkain na] ibinigay sa kanya bilang isang regalo, subali't hindi siya kakain ng pagkaing nagmula sa kawanggawa. Ang tatak ng kanyang pagiging isang Propeta ay matatagpuan sa pagitan ng kanyang mga balikat. Kung makapupunta ka sa lugar na iyon, magkagayon ay gawin mo." Batid ng taong ito ang tungkol sa pagdating ng isang Propeta mula sa Arabia, mula sa angkan ng mga Israelita na mababasa sa [Deuteronomy 18:17-18; "Aking itataas ang isang Propeta mula sa kanilang angkan, katulad ng kay Moises[13] at ilalagay ang Aking mga Salita sa kanyang bibig.[14] At siya ay mangungusap sa kanila sa lahat ng Aking ipag-uutos sa kanya"]. Katiyakan, ang talatang ito ay hindi tumutukoy kay Hesus na sapilitang iniaakibat ni Pablo sa [Mga Gawa 13:22-33]. Si Hesus ay hindi nagmula sa salin-lahi ni Ismael sapagka't siya[15] ay isang Israelita, kaya siya ay hindi nagmula sa kanilang angkan.Batid din ng taong ito na ang nasusulat sa kanilang aklat ay tungkol sa Kapahayagan ng Diyos na nagmula sa Teman [Hilagang bahagi ng Lungsod ng Madinah, sa Arabia, ayon sa isang Dictionary of the Bible ni J. Hasting], at sa isang banal na nagmula sa Paran.[16] Ayon sa Genesis 21:21, ang tinutukoy na "Wilderness of Paran" ay ang lugar kung saan si Propeta Ismael ay nanirahan at ang kanyang labindalawang anak, kabilang na rito ang kanyang pangalawang anak na si Kedar. Sa Isaiah 42:1-13, 'Ang minahal ng Diyos' ay naiugnay sa mga lahi ni Kedar, ang mga ninuno ni Propeta Muhammad.Nang si Propeta Muhammad ay manawagan sa mga tao sa Makkah upang isuko ang kanilang mga sarili sa Allah, karamihan sa kanila ay tumanggi at binalak pa nilang patayin ang Propeta. Siya [Propeta Muhammad], sampu ng kanyang mga kasamahan na yumakap sa pananampalatayang Islam ay inatasan ng Allah na magtungo sa Madinah. Hindi nagtagal, isang digmaan ang naganap sa bundok ng Badr sa pagitan ng 'iilan at may mahinang armas' na mga kasamahan ni Propeta Muhammad laban sa mga paganong nagmula sa Makkah, isang taon pagkaraan ng paglikas ng Propeta. Ang Propeta at ang kanyang mga kasamahan ay naging matagumpay [Isaiah 21:13-17].Batid din ng taong ito na si Propeta Hesus ay nagpahayag tungkol sa pagdating ng isang Propetang pinangalanang Ahmad[17] [Muhammad]. Ito ang mabubuting balita na sinabi ng Allah sa pamamagitan ng dila ni Hesus:﴿وَإِذ قَالَ عِيسَى ٱبنُ مَريَمَ يَبَنِي إِسرَءِيلَ إِنِّي رَسُولُ ٱللَّهِ إِلَيكُم مُّصَدِّقا لِّمَا بَينَ يَدَيَّ مِنَ ٱلتَّورَىةِ وَمُبَشِّرَا بِرَسُول يَأتِي مِن بَعدِي ٱسمُهُ أَحمَدُ فَلَمَّا جَاءَهُم بِٱلبَيِّنَتِ قَالُواْ هَذَا سِحر مُّبِين٦﴾At [alalahanin] nang si Hesus, na anak ni Maria ay nagsabi; 'O angkan ng Israel! Ako ay Sugo ng Allah para sa inyo upang patotohanan ang Tawrat [na nauna] sa akin, at magbibigay ng mabuting balita sa pagdating ng isang Sugo pagkaraan ko, na ang pangalan ay Ahmad'. [Surah As-Saff-61:6]Hanggang sa dumating ang kamatayan sa taong yaon, at si Salman ay nanatili sa Amooreeyah. Sa kanyang pagpapatuloy, Isang araw, "May ilang mangangalakal na nagmula sa tribu ng Kalb[18] ang napadaan sa akin," at nakiusap ako sa kanila, "Dalhin ninyo ako sa Arabia at ibibigay ko sa inyo ang aking mga baka at ang aking nag-iisang tupa." Kaagad naman silang pumayag sa alok ni Salman at kanilang sinabi; "Oo". Kaya ibinigay ni Salman ang mga ari-ariang kanyang inialok, at siya ay isinama nila sa kanilang paglalakbay. Nang kanilang marating ang Waadi Al-Quraa [isang lugar na malapit sa Madinah], kanilang ipinagbili si Salman sa isang Hudyo bilang alipin. Nanatili si Salman sa paglilingkod sa amo niyang Hudyo, doon ay nakita niya ang mga puno ng palmera [na inilarawan sa kanya ng nauna na niyang kasamahan]. Nasabi niya sa kanyang sarili, "Ako'y umaasa na ang lugar na ito ay ang lugar na inilarawan sa akin ng aking dating kasamahan." Isang araw, dumalaw ang isang malapit na kamag-anak ng amo ni Salman na nagmula sa tribu ng mga Hudyo ng Bani Quraidah na nasasakupan ng Madinah. Binili niya ako sa Hudyo kong amo at dinala niya ako sa Madinah. Sa Ngalan ng Allah! Nang aking mapagmasdan ang kapaligiran na pinagdalhan sa akin, napag-alaman kong ito na ang lugar na sinabi sa akin ng aking dating kasamahan.""Hanggang sa ipadala ng Allah ang Kanyang Sugo [si Propeta Muhammad]. Siya ay namalagi sa Makkah hanggang sa dumating ang Kautusan ng Allah sa kanyang paglisan patungong Madinah sa abot ng kanyang makakaya.[19] Hindi ako nakarinig ng anumang bagay tungkol sa kanya sa mga panahong iyon sapagka't ako ay abala sa aking mga gawain bilang isang alipin, hanggang sa dumating ang pagkakataon na siya ay lumikas patungong Madinah."Sa pagpapatuloy ni Salman, "Isang araw, habang ako ay nasa taas ng isang puno ng palmera at abala sa aking gawain para sa aking amo, isang pinsan niya ang dumating at tumayo sa kanyang harapan habang siya'y nakaupo. Kanyang sinabi rito, 'Kasawian sa mga taga-Bani Qeelah [mga mamamayan ng tribung Qeelah], sila'y nagtipun-tipon sa Qibaa,[20] na nakapalibot sa isang taong nanggaling sa Makkah na nag-aangking siya ay isang Propeta!' ""Labis ang aking pagkagulat nang siya ay aking marinig at halos mahulog ako sa aking amo. Ako ay bumaba at nagtanong, 'Ano ang iyong sinasabi? Ano ang iyong sinasabi?' Nagalit sa akin ang aking amo at binigyan niya ako ng isang napakalakas na suntok at sinabi niya sa akin; 'Ano bang mahalagang bagay ang nais mong malaman tungkol sa bagay na ito? Bumalik ka na lamang sa iyong trabaho.' Sinagot ko siya ng; 'Wala! Nais ko lamang makatiyak kung ano ang kanyang ibinalita sa inyo.' ""Nang gabing iyon, ako ay nagtungo sa Qibaa upang makita ang Sugo ng Allah. Dala-dala ko ang isang bagay na aking naitago. Ako'y lumapit at nagtanong sa kanya: ‘May nagsabi sa akin na ikaw ay isang mabuting tao at ang iyong mga kasamahan na narito ay pawang mga dayuhan at kayo ay nangangailangan. Nais kong ihandog sa iyo ang isang bagay na aking naitabi bilang kawanggawa. Aking napag-alaman na higit kang karapat-dapat pagbigyan nito kaysa sa iba’. Nagpatuloy si Salman: ‘Ibinigay ko ito sa kanya at sinabihan niya ang kanyang mga kasamahan, 'kumain kayo', subali't hindi man lamang niya ito ginalaw at inilayo pa niya ang kanyang mga kamay mula rito, [hindi siya kumain o tumikim man lamang]. Nasabi ko sa aking sarili, 'Isa ito [sa mga palatandaan ng kanyang pagiging Propeta]”.Ang sumunod na pangyayari sa kanyang pakikipagtagpo sa Propeta, pansamantalang umalis si Salman upang ihanda ang isang panibagong pagsubok! Sa pagkakataong ito ay nagdala siya ng isang regalo sa Propeta. "Nakita kong hindi ka kumain sa kawanggawa na aking ibinigay sa iyo, kaya narito ang isang regalo para sa iyo upang ikaw ay aking parangalan.” Tinanggap ito ng Propeta at siya ay kumain mula rito at inutusan niya ang kanyang mga kasamahan na gawin ang kanyang ginawa. Nasabi ko sa aking sarili, 'Ngayon ay dalawa na [ang mga palatandaan sa kanyang pagiging Propeta]'.Sa ikatlong pagkakataon ng kanilang pagkikita, nagtungo si Salman sa Baqee'-ul-Gharqad [ang libingan ng mga kasamahan ng Propeta] kung saan ang Propeta ay nakikipaglibing sa isa sa kanyang mga kasamahan. Ayon kay Salman, "Binati ko siya [sa pamamaraan ng pagbati sa Islam: 'Sumaiyo nawa ang kapayapaan'], at umikot ako sa may bandang likuran upang aking makita ang tanda ng kanyang pagiging Propeta na nabanggit sa akin ng dati kong kasamahan. Nang ako'y kanyang [Propeta] makitang ginagawa iyon, batid niyang may nais akong mapatunayang bagay na inilarawan sa akin. Kanyang inalis ang tela mula sa kanyang likuran at doon nakita ko ang marka. Nakilala ko ito. Bumaba ako sa aking kinatatayuan at hinalikan ko ang markang nasa pagitan ng kanyang balikat. Ako’y lumuluha habang hinahalikan ko ito. Ang sabi sa akin ng Sugo ng Allah, ‘Humarap ka sa akin [upang kausapin kita]’. Isinalaysay ko sa kanya ang aking karanasan katulad ng aking ginawang pagsasalaysay sa iyo, ibn 'Abbaas [dapat alalahanin na ang kuwentong ito ay isinalaysay ni Salman kay ibn 'Abbaas]. Nagustuhan ito ni [Propeta Muhammad] tulad nang kanyang pagnanais na mailahad ito sa kanyang mga kasamahan." Ang Pagpapaalipin ay sa Allah LamangIpinagpatuloy ni Salman ang kanyang pagsasalaysay ng kanyang talambuhay kay ibn 'Abbaas:Nanatili siya sa kanyang amo. Hindi siya nakasama sa dalawang ulit na pakikipaglaban sa mga pagano ng Arabia. Hanggang sa dumating ang pagkakataong inutusan siya ng Propeta, "O Salman, gumawa ka ng kasunduan [sa iyong amo] para sa iyong kalayaan." Sinunod ito ni Salman at gumawa siya ng isang kasunduan sa pagitan niya at ng kanyang amo para sa kanyang kalayaan. Napagkasunduan nila ng kanyang amo na siya ay magbayad ng apatnapung onsa ng ginto at kailangan niyang magtanim ng tatlong daang bagong puno ng palmera. Ipinaabot niya ito sa Propeta, at dahil dito inutusan ng Propeta ang kanyang mga kasamahan na, "Tulungan ninyo ang inyong kapatid."Sila ay tumulong sa kanya sa pangunguha ng nasabing bilang ng puno. Inutusan ng Propeta si Salman na maghukay ng tamang bilang ng butas na mapagtataniman ng punla, at siya [Propeta] ay nagtanim sa pamamagitan mismo ng kanyang mga kamay. Ang sabi ni Salman, "Sa Kanya na Siyang may tangan ng aking kaluluwa [ang Allah], wala ni isang puno ang namatay." Ipinaalam at ibinigay ni Salman ang mga puno sa kanyang amo. Ipinagkaloob ng Propeta kay Salman ang isang pirasong ginto na kasinlaki ng itlog ng manok at nagsabi, "O Salman, kunin mo ito at bayaran mo ang iyong amo sa anumang iyong pagkakautang sa kanya." Nagtanong si Salman, "Magkano ang halaga nito kumpara sa halaga ng aking pagkakautang!" Sumagot ang Propeta, "Kunin mo ito! Gagawin ng Allah ang katumbas na halaga niyan kung magkano man ang iyong utang."[21] Kinuha ko ito at nang aking tinimbang, ito ay apatnapung onsa. Ibinigay ni Salman ang naturang ginto sa kanyang amo. Natupad niya ang kanilang kasunduan kaya siya ay dagliang pinalaya.Magmula noon, si Salman ay naging isang malapit na kasamahan ng Propeta.Isa sa mga dakilang kasamahan ng Propeta na nagngangalang Abu Huraira ang nag-ulat, "Kami ay nakaupo kasama ang Propeta ng Allah nang ang Surah Al-Jumu'ah [Kabanata 62 ng Banal na Qur'an] ay ipahayag. Kanyang binigkas ang mga katagang ito:﴿وَءَاخَرِينَ مِنهُم لَمَّا يَلحَقُواْ بِهِم وَهُوَ ٱلعَزِيزُ ٱلحَكِيمُ٣﴾At [ipinadala rin ng Allah si Propeta Muhammad] sa iba pa na kabilang sa kanila [mga Muslim] na hindi pa sumasama sa kanila (subali't sila’y darating). [Surah Al-Jumu'ah-62:3]Isang taong kasama nila ang nagsabi, 'O Propeta ng Allah! Sino yaong hindi pa sumasama sa atin?' Subali't hindi sumagot ang Propeta ng Allah. Si Salman Al-Farisee ay naroroon din na kasama namin. Inilagay ng Propeta ng Allah ang kanyang mga kamay kay Salman at kanyang sinabi, "Sa Kanya (Allah) na Siyang may tangan ng aking kaluluwa, kahit na ang pananampalataya ay malapit sa Ath-Thurayyaa' [Plaeiades, ang pitong buntala], ang mga taong katulad ni Salman ay makatitiyak na makakamtan ito." [Sunan At-Tirmidhi] Subali't Sila ay Darating!Marami sa mundong ito ang katulad ni Salman, nagsasaliksik ng katotohanan tungkol sa Tunay at Nag-iisang Diyos. Ang kasaysayan ni Salman ay katulad ng kasaysayan ng ibang tao sa ating panahon. Ang pananaliksik ng ilang tao ang naghatid sa kanila mula sa isang sekta patungo sa iba pa, mula sa Kristiyanismo patungong Budhismo, mula sa Judaismo patungo sa kawalan ng pananampalataya, mula sa isang relihiyon patungo sa malalim na pagninilay-nilay hanggang sa humantong sa pag-aabuso sa kaisipan. Nakasalamuha at narinig ko ang tungkol sa ilang tao na lumipat mula sa iba't ibang ideya patungo sa iba pa, subali't sila'y tila bantulot na malaman ang tungkol sa Islam! Gayunpaman, kapag nakatagpo sila ng ilang mga Muslim, binubuksan din nila ang kanilang isipan. Ang kasaysayan ni Salman ay isang mahabang pagsasaliksik. Nguni't maaaring gawing maikli ang paghahanap ng tunay na katotohanan na sadyang makatutulong upang makamtan ang wagas na kapayapaan sa puso at isipan. Mga Pinagkunan1.   Qissat Islam Salman: Isang Aklat na Arabic na sinulat ni Hussein Al-'Uwaishah.2.   Ang talaan sa pahina 20 ay mula sa aklat na, "Muhammad in the Bible" makaraang maituwid ang usapin tungkol sa 'kamatayan' ni Hesus. Sa katunayan si Hesus ay hindi namatay. Iniligtas siya ng Allah mula sa kanilang pagnanais na maipako siya sa krus at siya ay itinaas sa kalangitan. Ang kanyang kamatayan ay mangyayari lamang bago sumapit ang Araw ng Paghuhukom pagkaraan ng kanyang pagbabalik sa mundo. Habang si Hesus ay nasa kalupaan, ipatutupad niya ang Aklat na nagmula sa Allah, ang Banal na Qur'an, at ang pamamaraang itinuro ni Propeta Muhammad.Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Islam, mangyaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na tanggapan sa Pilipinas:ISCAG – PhilippinesIslamic Studies, Call & Guidance of the PhilippinesCongressional Road, Salitran-IDasmarinas, CavitePhilippinesTelephone No. 0063-46-4163371Fax No. 0063-46-5061451www.iscag.comIL&IOIslamic Library & Information OfficeP.O.Main Box 52916Stall-B, HL Commercial BuildingPandan Citicenter – Phase-IMagalang Road, Angeles CityPhilippinesTel.No. 0063-45-8874577Email: [email protected]This book is edited by TT&ESSTagalog Translation & Editing Support Services[1] "Subhanahu wa Ta'aalaa": Ang Allah – ang Kataas-taasan. Ang pariralang ito ay itinatagubiling bigkasin ng isang Muslim kapag binabanggit ang Pangalan ng Allah.[2] Ito ang simbolo ng pariralang "Salla-Allahu 'Alaihi wa Sallam" na ang kahulugan ay: Nawa'y itampok ng Allah ang pagbanggit sa kanya at ilayo siya sa anumang masama.[3] "Alayhi-is-Salam": Nawa'y ang kapayaapaan ay mapasa kanya. Bilang paggalang sa lahat ng mga Propeta, binibigkas ng bawa't Muslim ang mga katagang ito.[4] Isfahaan: Isang Rehiyon sa hilagang kanluran ng Iran.[5] Ang kanyang ama ay isang Magian na sumasamba sa apoy.[6] Ang Shaam: Ito ang sumasakop sa mga lugar na higit na kilala sa kasalukuyan bilang mga bansang Lebanon, Syria, Palestine at Jordan.  [7] Isang pangmaramihang pantukoy na ginagamit upang palawigin ang Lakas, Kapangyarihan at Kadakilaan. Ito ay karaniwan sa mga semitikong wika sa mga Monarkiya na ginagamit bilang pangmaramihang pantukoy. Ito rin ay ginagamit ng mga English Dynasty. Para sa Allah, sa isang banda, naaangkop ang pinakamainam na halimbawang ito: Hindi 'Namin' pinahahalagahan ang Trinidad o alinmang maling konsepto.[8] Ang puna ng Editor:  Ang mahalagang puntong dapat malaman dito ay nang si Salman ay hindi lumisan mula sa inakala niyang katotohanan sa mga panahong iyon dahil sa mga ginawa ng isang tao. Hindi niya sinabing, "Masdan ninyo ang Kristiyanong ito! Ang nagkukunwaring pinakamainam sa kanila [obispo], ay isang demonyo!  Bagkus, kanyang naunawaan na kailangan niyang husgahan ang relihiyon sa pamamagitan ng mga paniniwala at hindi ang mga tagasunod nito.   [9] Al-Musil:  Ang pangunahing lungsod sa hilagang kanluran ng Iraq.[10] Naseebeen: Isang lungsod sa pagitan ng Al-Musamil at Ash-Shaam.[11] Amooreeyah: Isang bayan na dating bahagi ng Silangang Rehiyon ng Emperyong Romano.[12] Rabb: Ang Allah ay tinatawag na Ar-Rabb: Siya ang nagbigay-buhay sa lahat ng bagay upang tumubo, gumalaw, at magbago, kung saan sa Kanya lamang nagmula ang lahat ng Paglikha at Kautusan.  Siya ang Panginoon na walang makapapantay sa Pamamahala, Pamamalakad, at Kataasan-taasan, at Siya ang Tanging Nagbibigay at Tagapanustos sa lahat ng mga nilikha.[13] Ang mga Propetang inihambing kay Moises:PaghahambingHesusMuhammadMoisesKapanganakanKakaiba at di-karaniwanKaraniwanKaraniwanKalagayang PanpamilyaHindi nag-asawa at walang anakNag-asawa at may mga anakNag-asawa at may mga anakKamatayanHindi NamatayNatural na kamatayanNatural na kamatayanSapilitang paglalakbay sa kanilang kapanahunanWala Nagtungo sa MadinahNagtungo sa MadyanNaisulat ang KapahayaganPagkaraan ng kanyang paglisanSa kanyang kapanahunanSa kanyang kapanahunanPagtanggap sa kanyang pamumuno [ng kanyang nasasakupan]Di tinanggap ng mga taga-IsraelDi kaagad tinanggap, subali't tinanggap din sa kalaunanDi kaagad tinanggap, subali't tinanggap din sa kalaunan[14] Si Muhammad ay apatnapung taong gulang nang siya ay tumanggap ng Kapahayagan mula kay Anghel Gabriel habang nasa loob ng isang yungib [Hira] sa Makkah. Inutusan siya ni Anghel Gabriel na "Bumasa". Si Muhammad ay labis na natakot at sumagot siya ng "Hindi ako maalam!"  At binigkas ng Anghel, gayundin ni Muhammad, at nagsanay siyang bumasa ng mga Salita ng Allah.. Ito ang unang bahagi ng Kapahayagan kay Muhammad: "Basahin!  Sa Ngalan ng iyong Panginoon na Siyang lumikha [ng lahat ng nasa sanlibutan]. Siya na lumikha sa tao mula sa namumuong bagay [isang piraso ng namuong dugo].  Basahin! At ang Iyong Panginoon ay ang Mapagbigay. Siya na nagturo [ng pagsulat] sa pamamagitan ng panulat [ang unang taong sumulat ay si Propeta Enoch at Idris]. Siya ang nagturo sa mga tao ng bagay na hindi niya nalalaman." [Surah Al-'Alaq-96:1-5][15] Kailangan ding malaman na ang Bibliya ay nagtuturing sa mga Israelita bilang mga 'angkan' ng Ismaelita: Genesis 16:12 & Genesis 25:18.[16] "Ang Diyos [Kanyang Kapahayagan] na nagmula sa Teman, at ang Isang Banal na nagbuhat sa Bundok ng Paran.  Selah.  Ang Kanyang kaluwalhatian ay sumasakop sa mga kalangitan, at ang kalupaan ay puspos ng papuri sa kanya." [Habakkuk 3:3][17] Ang literal na kahulugan ng Ahmad ay: "Isang nagpupuri sa Allah nang may kahigtan kaninuman". Ito ang pangalawang pangalan ni Propeta Muhammad na pinatunayan sa isang Hadith, "Ako ay may limang mga pangalan: Ako si Muhammad at ako rin si Ahmad, ako si Al-Maahi na sa pamamagitan ng Allah ay malilipol ko ang mga mapagsamantala, ako si Al-Haashir na siyang mauunang bubuhaying muli, ang lahat ng tao ay bubuhaying muli sa pagtatapos ng daigdig, at ako si Al-'Aaqib [bilang pangwakas na Propeta at wala ng iba pang Propeta na darating pagkaraan niya]. Ang salaysay na ito ay iniulat sa Sahih Al Bukhari, isa sa nag-ipon ng mga mapananaligang mga Hadith o mga sinabi ni Propeta Muhammad [V.4 # 732, English-Arabic. Na inilathala ng Dar-Arabia, Beirut, Lebanon]  [18] Isang pangalan ng tribu sa Arabia.[19] Nanatili si Propeta Muhammad sa Makkah ng labintatlong taon, pagkaraan niyang tumanggap ng Kapayahagan mula sa Allah. [20] Isang lugar sa lungsod ng Madinah. [21] Isang himala ng Allah.

التفاصيل