البحث

عبارات مقترحة:

الحي

كلمة (الحَيِّ) في اللغة صفةٌ مشبَّهة للموصوف بالحياة، وهي ضد...

البارئ

(البارئ): اسمٌ من أسماء الله الحسنى، يدل على صفة (البَرْءِ)، وهو...

المنان

المنّان في اللغة صيغة مبالغة على وزن (فعّال) من المَنّ وهو على...

Ang mga Sugo at ang Mensahe

الفلبينية (تجالوج) - Tagalog

المؤلف
القسم مقالات
النوع نصي
اللغة الفلبينية (تجالوج) - Tagalog
المفردات محمد صلى الله عليه وسلم
Ang mga Sugo ay ipinadala lamang upang iparating sa tao ang mensaheng ibinigay sa kanila ng Diyos. Tayo ay nilikha upang sambahin ang Diyos. Magkagayunman, ang ating pagsamba ay hindi makatutulong sa Diyos, bagkus makatutulong sa atin. Pinag-uutusan tayong sumamba sa Diyos upang makamtan natin ang mga biyayang ipagkakaloob bunga ng ating pagsamba sa Kanya.......

التفاصيل

Sa katunayan, bagaman ang Diyos ang Siyang nagpadala ng mga Sugo, marami sa tao ang lumalayo sa patnubay na kanilang dinala. Hindi lamang nila itinatakwil ang mensahe, pinagsisikapan pa nilang pigilin ito at gumawa ng mga hakbangin laban sa mga nagnanais sundin ang mensaheng ito.  Sa mga naunang panahon, ang ilan sa mga taong ito ay humantong sa pagpatay sa mga Sugo ng Diyos. Makatwiran bang isipin na hahayaan na lamang ng Diyos ang mga taong ito at hindi sila papananagutin sa kanilang mga kasamaang ginawa? Ang ganitong katanungan ay inilahad sa Banal na Qur’an : Iniisip ba ng mga gumagawa ng kasamaan na itutulad Namin sila sa mga naniniwala at gumagawa ng kabutihan, - na magkatulad ang kanilang kasalukuyang buhay at pagkatapos ng kanilang kamatayan? Sadyang malubha ang ginagawa nilang kuru-kuro.  Nilikha ng Diyos ang mga kalangitan at kalupaan nang makatarungan upang ang bawa’t kaluluwa’y gantimpalaan ang anumang kanyang ginawa, at ni isa sa kanila’y hindi gagawan ng di-matuwid. (Qur’an Al-Jathiyah-45 :21-22). Dapat nating tanggaping lahat na ang Diyos, sa Kanyang Katalinuhan, ay ginawang pansamantala ang buhay na ito sa daigdig.  Itinakda Niya sa atin ang kabilang buhay kasunod ng kamatayan. Sa buhay na yaon kung saan ang paglilitis ay magaganap. Doon tatanggapin ng mabubuti ang kanilang gantimpala sa pagsunod sa relihiyon ng Diyos, at ipapataw naman sa masasama ang kanilang parusa sa pagtakwil nito. Ipinahahayag naming pinili ng Diyos si Muhammad (SAS) bilang Kanyang panghuling Sugo, ang siyang wakas sa mahabang kawing ng mga Sugong dumating dito sa balat ng lupa.  Pinili ng Diyos ang Islam bilang relihiyon at panuntunan ng buhay hanggang sa katapusan ng panahon. Matutunghayan sa Banal na Qur’an ang tungkol dito:  Si Muhammad(SAS) ay hindi isang ama ng kahit sino sa inyo, bagkus siya ay Sugo ng Diyos, at ang panghuli sa mga Propeta:  at ang Diyos ay may ganap na kaalaman sa lahat ng bagay. (Qur’an Al-Ahzab-33:40) Inilarawan ni Propeta Muhammad(SAS) ang kanyang kaugnayan sa mga naunang mga Sugo ng ganito: “Ang aking kaugnayan sa mga Propetang nauna sa akin ay katulad ng isang bahay na itinayo sa isang ganap na pamamaraan, maliban sa isang laryo (brick). Nagsimulang pumasok ang mga tao sa bahay at sila’y humanga dito, subali’t sila’y nagsabi:  ‘Kung hindi lamang sa isang laryong kulang, ganap na sana ito. Ako ang laryong yaon, dumating ako bilang panghuling Sugo’.” Siya ay nagsabi rin: “Ako ay isinugo sa lahat ng sangkatauhan, at ako ang pinakahuli sa mga Propeta.” Kaya naman, kaming mga Muslim ay naniniwala na ang Mensaheng ipinadala sa lahat ng mga Sugo sa lahat ng panahon ang siyang katotohanang mula sa Diyos.  Pinaninindigan namin na silang lahat ay nagturo ng magkakatulad na pangunahing panuntunan. Silang lahat ay nanawagan sa Monoteismo (kaisahan sa paniniwala at pagsamba sa iisang Diyos). Nanawagan silang lahat sa walang-hanggang kapangyarihan ng Lumikha na may lubos na pamamahala sa lahat ng nangyayari sa lahat ng Kanyang nilalang.  Silang lahat ay nagturo na walang mangyayari sa nilikha nang wala Siyang kabatiran, at walang mangyayari malibang Kanyang pahintulutan. Silang lahat ay nag-anyaya sa tao tungo sa tamang moralidad at nagbawal sa kahalayan at kalaswaan. Ang mga katuruang ito ang humuhubog  sa pangunahing batayan ng Banal na Mensahe sa lahat ng panahon. May pagkakasunud-sunod ang mga Propetang dumating sa tao sa mga nakaraang panahon, sa dahilang pagkamatay ng isang Propeta, ang  tao’y madaling lumihis sa kanyang katuruan at sa kanilang pananampalataya. Sa kanilang paglihis ay umabot pa sila sa pagpapalit ng kanilang mga aklat at naghayag sila ng mga katuruang sadyang salungat sa panuntunan ng pananampalataya.  Katulad ng kaisipang may kasama ang Diyos sa Kanyang pagka-Banal, o maging ang kaisipang may anak ang Diyos. Kailanma’t mangyayari ito, nagpapadala ang Diyos ng ibang Sugo upang ibalik muli sila sa katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit isinugo si Hesus. Ito rin ang dahilan kung bakit ipinadala si Muhammad(SAS) sa sangkatauhan. Magkagayun, itinuturing naming kawalan ng saysay ang paniniwala ng sinuman sa mga naunang mga Propeta kung itinatakwil naman niya ang huling Propetang isinugo ng Diyos.  Bilang halimbawa, yaong kabilang sa mga Anak ni Israel na nagtakwil kay Moises ay itinuturing na mga di-nananampalataya, kahit gaano man karubdob ang angking paniniwala sa mga katuruan nina Jacob at Joseph.  Ang mga taong nagtatakwil kay Hesus ay itinuturing na mga di-nananampalataya gaano man kasidhi ang paniniwala nila kay Moises. Gayundin naman, sinumang magtakwil kay Muhammad(SAS) pagkaraang makarating sa kanila ang Mensahe ay mga di-nananampalataya, maging sila man ay mga Hudyo, Kristiyano o tagasunod ng iba pang mga paniniwala. Kasunod nito, ang Banal na Qur’an ay may higit na kahalagahan kaysa sa ibang mga naunang Kasulatan, at pinawalang-bisa ang mga ito kahit na mayroon mang ilang bahagi sa mga naunang Kasulatang ito na umabot sa atin sa kanilang orihinal na pagkakapahayag nang walang anumang pagbabago o pagpapalit.  Ipinahayag ang Banal na Qur’an bilang patnubay hindi sa natatanging tao o tribo bagkus sa buong sandaigdigan. Kaya naman, itinuturing naming isang tungkulin bilang mga tagasunod ng pinakahuling Propeta na iparating ang relihiyon ng Diyos sa sangkatauhan. Itinuturing naming isang karapatan ng lahat ng nabubuhay na tao na mapakinggan ang Mensaheng ito.  Kailangan silang mabigyan ng pagkakataong maunawaan ito upang limiin at magkaroon ng kalayaang tingnan ang lahat ng aspeto nito. Ang pagsisikap na ating gagawin hinggil sa ating ugnayan sa Diyos ang siyang pinakamahalagang pasiyang magagawa natin sa buong buhay, sapagka’t nakasalalay dito ang ating tagumpay sa daigdig at sa Kabilang Buhay. Dahil dito, pinaninindigan naming walang sinuman ang may karapatan upang pigilin ang tao na mapakinggan ang Mensaheng ito, o pigilin ang tao na bigyan ito ng isang masusing pagsaalang-alang.  Pinananatili namin na kailangang iparating ang Mensaheng ito sa tao upang makapagpasiya siya nang malaya laban sa anumang pamimilit. Inaanyayahan namin ang lahat na mag-isip nang mabuti tungkol sa aming sinasabi sa liham na ito, at saliksikin pa ang mga bagay na nailahad dito upang makapagpasiya nang may kabatiran.  Ninanais naming isagawa ang aming tungkuling iparating ang Mensahe nang maliwanag, nang may katumpakan at katapatan. Pinaninindigan namin na ang Mensahe ng Islam ay siyang katotohanan sa pinakaganap na kahulugan na maaaring iugnay sa kahulugan ng katagang ito, at pinaninindigan naming ito’y galing sa Diyos.  Magkagayunman, naniniwala rin kami na ang bawa’t tao ay may karapatang maging ganap na malaya sa kanyang pasiya tungkol dito. Katulad ng iba, may kakayahan din kaming mang-hikayat sa anumang aming sinasabi at gawin itong higit na umaayon sa malawak na kaurian ng tao. Maaari kaming gumamit ng mga matatamis na salita at iba pang nakawiwiling pamamaraan upang hikayatin ang tao sa aming nais iparating. Magkagayunman, bagaman iminumungkahi ang ganitong pamamaraan sa ilang bagay na kapakanang pantao, ito ay itinuturing naming isang pagpapabaya sa aming matapat na tungkulin sa Diyos at sa sangkatauhan na gawin ito dito. Naririto kami upang iparating ang Mensahe ng ating Dakilang Lumikha, hindi ayon sa aming sariling kaisipan, palagay at kapakanan. Ito ay aming tungkulin sa Diyos, sa aming Sugo, at sa lahat ng sangkatauhan na ihayag sa tao ang tungkol sa Sugong may panghuling mensahe. Sinumang maniwala sa Sugong ito ay katunayang naniniwala sa relihiyon na kanyang dala mula sa Dakilang Lumikha, at sinumang magtakwil nito ay kanyang itinakwil ang relihiyon.