الوهاب
كلمة (الوهاب) في اللغة صيغة مبالغة على وزن (فعّال) مشتق من الفعل...
[Ito ay pagpapahayag ng] isang kawalang-kaugnayan, mula kay Allāh at sa Sugo Niya, sa mga nakipagtipan kayo kabilang sa mga tagapagtambal.
Kaya maglakbay kayo sa lupain sa apat na buwan, ngunit alamin ninyo na kayo ay hindi makapagpapahina kay Allāh, at na si Allāh ay magpapahiya sa mga tumatangging sumampalataya.
[Ito ay] isang pagpapahayag, mula kay Allāh at sa Sugo Niya, sa mga tao sa araw ng pinakamalaking ḥajj, na si Allāh ay walang-kaugnayan sa mga tagapagtambal, at ang Sugo Niya. Kaya kung nagbalik-loob kayo, ito ay higit na mabuti para sa inyo; ngunit kung tumalikod kayo ay alamin ninyo na kayo ay hindi makapagpapahina kay Allāh. Balitaan mo ang mga tumangging sumampalataya ng isang pagdurusang masakit.
Maliban sa mga nakipagtipan kayo kabilang sa mga tagapagtambal, pagkatapos ay hindi nagkulang sa inyo ng anuman at hindi nakipagtulungan laban sa inyo sa isa man, kaya lubusin ninyo sa kanila ang tipan sa kanila hanggang sa yugto nila. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga tagapangilag sa pagkakasala.
Kaya kapag lumipas ang mga buwang pinakababanal ay patayin ninyo ang mga tagapagtambal saanman ninyo sila natagpuan, kunin ninyo sila, kubkubin ninyo sila, at abangan ninyo sila sa bawat tambangan. Ngunit kung nagbalik-loob sila, nagpanatili sila ng pagdarasal, at nagbigay sila ng zakāh ay hayaan ninyo ang landas nila. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
Kung may isang kabilang sa mga tagapagtambal na nagpakandili sa iyo ay kandiliin mo siya hanggang sa marinig niya ang pananalita ni Allāh. Pagkatapos ay paabutin mo siya sa pook na ligtas siya. Iyon ay dahil sila ay mga taong hindi nakaaalam.
Papaanong magkakaroon ang mga tagapagtambal ng isang tipan sa ganang kay Allāh at sa ganang Sugo Niya maliban sa mga nakipagtipan kayo sa tabi ng Masjid na Pinakababanal? Kaya hanggat nanatili sila [sa tipan] sa inyo ay manatili kayo [sa tipan] sa kanila. Tunay na si Allāh ay umiibig sa mga tagapangilag sa pagkakasala.
Papaanong [magkakaroon ng isang tipan] samantalang kung mangingibabaw sila sa inyo ay hindi sila magpapakundangan sa inyo sa pagkakamag-anak ni sa kasunduan. Pinalulugod nila kayo sa pamamagitan ng mga bibig nila samantalang tumatanggi ang mga puso nila. Ang higit na marami sa kanila ay mga suwail.
Ipinagbili nila ang mga tanda ni Allāh sa isang halagang kakaunti kaya sumagabal sila sa landas Niya. Tunay na sila ay kay sagwa ng ginagawa noon.
Hindi sila magpapakundangan sa isang mananampalataya sa pagkakamag-anak ni sa kasunduan. Ang mga iyon ay ang mga lumalabag.
Ngunit kung nagbalik-loob sila, nagpanatili sila ng pagdarasal, at nagbigay sila ng zakāh, mga kapatid ninyo sila sa relihiyon. Masusing ipinaliliwanag Namin ang mga tanda para sa mga taong umaalam.
Ngunit kung lumabag sila sa mga sinumpaan nila matapos ng tipan sa kanila at tumuligsa sila sa relihiyon ninyo, makipaglaban kayo sa mga pasimuno ng kawalang-pananampalataya – tunay na sila ay walang mga sinumpaang ukol sa kanila - nang sa gayon sila ay titigil.
Hindi ba kayo makikipaglaban sa mga taong lumabag sa mga sinumpaan nila at nagbalak ng pagpapalayas sa Sugo samantalang sila ay nagpasimula [sa pakikipag-away] sa inyo sa unang pagkakataon? Kinatatakutan ba ninyo sila gayong si Allāh ay higit na karapat-dapat na katakutan ninyo kung kayo ay mga mananampalataya?
Makipaglaban kayo sa kanila, magpaparusa sa kanila si Allāh sa pamamagitan ng mga kamay ninyo, magpapahiya Siya sa kanila, mag-aadya Siya sa inyo laban sa kanila, magpapagaling Siya sa mga dibdib ng mga taong mananampalataya,
at mag-aalis Siya ng ngitngit sa mga puso nila. Tumatanggap si Allāh ng pagbabalik-loob ng sinumang niloloob Niya. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
O ipinagpalagay ba ninyo na iiwan kayo samantalang hindi pa nasubok ni Allāh ang mga nakibaka kabilang sa inyo at hindi gumawa sa halip kay Allāh ni sa Sugo ni sa mga mananampalataya ng kapalagayang-loob? Si Allāh ay Tagabatid sa anumang ginagawa ninyo.
Hindi ukol sa mga tagapagtambal na magtaguyod sa mga masjid ni Allāh habang mga saksi laban sa mga sarili nila sa kawalang-pananampalataya nila. Ang mga iyon ay bumagsak ang mga gawa nila, at sa Impiyerno sila ay mga mamamalagi.
Nangangalaga lamang sa mga masjid ni Allāh ang sumampalataya kay Allāh at sa Huling Araw, nagpapanatili ng pagdarasal at nagbibigay ng zakāh, at hindi natakot kundi kay Allāh. Kaya naman maaasahang ang mga iyon ay maging kabilang sa mga napapatnubayan.
Ginawa ba ninyo ang [nakatalaga sa] pagpapainom sa tagapagsagawa ng ḥajj at sa pagtataguyod sa Masjid na Pinakababanal gaya ng sumampalataya kay Allāh at sa Huling Araw at nakibaka ayon sa landas ni Allāh? Hindi sila nagkakapantay sa ganang kay Allāh. Si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong lumalabag sa katarungan.
Ang mga sumampalataya, lumikas, at nakibaka ayon sa landas ni Allāh sa pamamagitan ng mga yaman nila at mga sarili nila ay higit na dakila sa antas sa ganang kay Allāh. Ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay.
Nagbabalita ng nakagagalak sa kanila ang Panginoon nila hinggil sa awa mula sa Kanya, pagkalugod, at mga harding may ukol sa kanila sa mga iyon na kaalwanang mamamalagi,
habang mga mananatili sa mga iyon magpakailanman. Tunay na si Allāh, sa ganang Kanya, ay may pabuyang sukdulan.
O mga sumampalataya, huwag ninyong gawin ang mga magulang ninyo at ang mga kapatid ninyo bilang mga katangkilik kung pakaiibigin nila ang kawalang-pananampalataya higit sa pananampalataya. Ang sinumang tumangkilik sa kanila kabilang sa inyo, ang mga iyon ay ang mga tagalabag sa katarungan.
Sabihin mo: "Kung ang mga magulang ninyo, ang mga kapatid ninyo, ang mga asawa ninyo, ang angkan ninyo, ang ilang yamang nakamtan ninyo, ang isang pangangalakal na kinatatakutan ninyo ang katumalan nito, at ang ilang tirahang kinalulugdan ninyo ay higit na kaibig-ibig sa inyo kaysa kay Allāh, sa Sugo Niya, at sa pakikibaka ayon sa landas Niya ay mag-abang kayo hanggang sa magparating si Allāh ng utos Niya." Si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong suwail.
Talaga ngang nag-adya sa inyo si Allāh sa maraming larangan ng labanan, at sa araw ng [labanan sa] Ḥunayn noong nagpahanga sa inyo ang dami ninyo ngunit hindi nagdulot sa inyo ng anuman at sumikip sa inyo ang lupa gayong malawak ito, pagkatapos ay lumisan kayo na mga tumatalikod.
Pagkatapos ay nagbaba si Allāh ng kapanatagan Niya sa Sugo Niya at sa mga mananampalataya. Nagbaba Siya ng mga kawal na hindi ninyo nakita. Pinagdusa Niya ang mga tumangging sumampalataya. Iyon ay ang ganti sa mga tumatangging sumampalataya.
Pagkatapos ay tumatanggap ng pagbabalik-loob si Allāh matapos niyon sa sinumang loloobin Niya. Si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
O mga sumampalataya, ang mga tagapagtambal ay salaula lamang kaya huwag silang lumapit sa Masjid na Pinakababanal matapos ng taon nilang ito. Kung nangamba kayo sa paghihikahos ay magpapayaman sa inyo si Allāh mula sa kabutihang-loob Niya kung niloob Niya. Tunay na si Allāh ay Maalam, Marunong.
Makipaglaban kayo sa mga hindi sumasampalataya kay Allāh ni sa Huling Araw, hindi nagbabawal sa ipinagbawal ni Allāh at ng Sugo Niya, at hindi nagrerelihiyon ng Relihiyon ng katotohanan kabilang sa mga binigyan ng kasulatan hanggang sa magbigay sila ng jizyah nang kusang-loob habang sila ay mga mahihina.
Nagsabi ang mga Hudyo: "Si Ezra ay anak ni Allāh," at nagsabi ang mga Kristiyano: "Ang Kristo ay anak ni Allāh." Iyon ay ang sabi nila sa pamamagitan ng mga bibig nila. Gumagaya sila sa sabi ng mga tumangging sumampalataya noong una. Isinumpa sila ni Allāh! Paano silang naililihis?
Ginawa nila ang mga pantas nila at ang mga pari nila bilang mga panginoon bukod pa kay Allāh at pati na ang Kristo na anak ni Maria samantalang walang ipinag-utos sa kanila kundi sumamba sila sa nag-iisang Diyos – walang Diyos kundi Siya. Napakamaluwalhati Niya kaysa sa mga itinatambal nila!
Ninanais nila na apulain ang liwanag ni Allāh sa pamamagitan ng mga bibig nila samantalang tumatanggi si Allāh kung hindi Niya malubos ang liwanag Niya, kahit pa nasuklam ang mga tumatangging sumampalataya.
Siya ay ang nagsugo sa Sugo Niya dala ang Patnubay at ang relihiyon ng katotohanan upang pangibabawin Niya ito sa relihiyon sa kabuuan, kahit pa man nasuklam ang mga tagpagtambal.
O mga sumampalataya, tunay na marami sa mga pantas at mga monghe ay talagang kumakain ng mga yaman ng mga tao ayon sa kabulaanan at sumasagabal sa landas ni Allāh. Ang mga nag-iimbak ng ginto at pilak at hindi gumugugol sa mga ito ayon sa landas ni Allāh ay balitaan mo sila ng isang pagdurusang masakit.
Sa araw na papainitan ang mga ito sa apoy ng Impiyerno at heheruhan sa pamamagitan ng mga ito ang mga noo nila, ang mga tagiliran nila, at ang mga likod nila [at sasabihin]: "Ito ang inimbak ninyo para sa mga sarili ninyo kaya lasapin ninyo ang iniimbak ninyo noon."
Tunay na ang bilang ng mga buwan sa ganang kay Allāh ay labindalawang buwan sa talaan ni Allāh sa araw na nilikha Niya ang mga langit at lupa; kabilang sa mga ito ay apat na pinakababanal. Iyon ay ang relihiyong matuwid kaya huwag kayong lumabag sa mga [buwang] ito sa katarungan sa mga sarili ninyo. Makipaglaban kayo sa mga tagapagtambal nang sama-sama kung paanong nakikipaglaban sila sa inyo nang sama-sama. Alamin ninyo na si Allāh ay kasama ng mga tagapangilag sa pagkakasala.
Ang pag-aantala [sa kabanalan ng buwang pinakababanal] ay isang karagdagan sa kawalang-pananampalataya. Pinaliligaw dahil dito ang mga tumangging sumampalataya. Nagpapahintulot sila nito sa isang taon at nagbabawal sila nito sa [ibang] taon upang itugma nila sa bilang ng ipinagbawal ni Allāh kaya ipinahintulot nila ang ipinagbawal ni Allāh. Pinaganda para sa kanila ang kasagwaan ng mga gawain nila. Si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong tumatangging sumampalataya.
O mga sumampalataya, ano ang mayroon sa inyo na kapag sinabi sa inyo na humayo kayo ayon sa landas ni Allāh ay kumakapit kayo nang mabigat sa lupa? Nalugod ba kayo sa buhay sa Mundo kaysa sa Kabilang-buhay? Ngunit ano ang kasiyahan ng buhay sa Mundo sa paghahambing sa Kabilang-buhay kundi kakaunti.
Kung hindi kayo hahayo ay pagdurusahin kayo ni Allāh ng isang pagdurusang masakit, papalitan Niya [kayo] ng mga taong iba sa inyo, at hindi kayo makapipinsala sa Kanya ng anuman. Si Allāh sa bawat bagay ay May-kakayahan.
Kung hindi kayo mag-aadya sa kanya, nag-adya na sa kanya si Allāh noong nagpalayas sa kanya ang mga tumangging sumampalataya bilang ikalawa sa dalawa noong silang dalawa ay nasa yungib noong nagsasabi siya sa kasamahan niya: "Huwag kang malungkot; tunay na si Allāh ay kasama natin." Kaya nagbaba si Allāh ng katiwasayan Niya rito. Nag-alalay Siya rito ng mga kawal na hindi ninyo nakita. Ginawa Niya ang salita ng mga tumangging sumampalataya bilang pinakamababa. At ang salita ni Allāh ay ang pinakamataas. Si Allāh ay Makapangyarihan, Marunong.
Humayo kayo nang magagaan at mabibigat at makibaka kayo sa pamamagitan ng mga yaman ninyo at mga sarili ninyo ayon sa landas ni Allāh. Iyon ay mabuti para sa inyo kung kayo ay nakaaalam.
Kung ito ay naging isang mahihitang malapit o isang paglalakbay na katamtaman, talaga sanang sumunod sila sa iyo, subalit nalayo para sa kanila ang layo. Manunumpa sila kay Allāh: "Kung sakaling nakaya namin ay talaga sanang lumisan kami kasama ninyo," habang nagpapahamak sila sa mga sarili nila. Si Allāh ay nakaaalam na tunay na sila ay talagang mga nagsisinungaling.
Magpaumanhin si Allāh sa iyo. Bakit ka pumayag sa kanila [na manatili]? [Sana ay] hanggang sa luminaw sa iyo ang mga nagtotoo at nalaman mo ang mga nagsisinungaling.
Hindi nagpapaalam sa iyo ang mga sumasampalataya kay Allāh at sa Huling Araw na makibaka sila sa pamamagitan ng mga yaman nila at mga sarili nila. Si Allāh ay Maalam sa mga tagapangilag sa pagkakasala.
Nagpaalam lamang sa iyo ang mga hindi sumasampalataya kay Allāh at sa Huling Araw at nag-aalinlangan ang mga puso nila kaya sila sa pag-aalinlangan nila ay nag-aatubili.
Kung sakaling ninais nila ang paglisan ay talaga sanang naghanda sila para roon ng isang paghahanda, subalit kinasuklaman ni Allāh ang pagpapadala sa kanila kaya nagpatamlay Siya sa kanila at nagsabi: "Umupo kayo kasama ng mga nakaupo."
Kung sakaling lumisan sila kasama ninyo ay wala sanang naidagdag sila sa inyo kundi paninira at talaga sanang kumaripas sila [sa paninira] sa gitna ninyo, na naghahangad sa inyo ng sigalot at mayroon sa inyong mga palakinig sa kanila. Si Allāh ay Maalam sa mga lumalabag sa katarungan.
Talaga ngang naghangad sila ng sigalot noon pa. Binulabog nila sa iyo ang mga usapin hanggang sa dumating ang katotohanan at lumitaw ang atas ni Allāh samantalang sila ay mga nasusuklam.
Mayroon sa kanila na nagsasabi: "Magpahintulot ka sa akin na magpaiwan at huwag mo akong subukin." Kaingat, sa pagsubok bumagsak sila. Tunay na ang Impiyerno ay talagang papalibot sa mga tumatangging sumampalataya.
Kung dinadapuan ka ng isang maganda ay ikinasasama ng loob nila ito. Kung dinadapuan ka ng isang kasawian ay nagsasabi sila: "Gumawa na kami ng pag-iingat namin dati na," at tumatalikod sila habang sila ay masaya.
Sabihin mo: "Walang dadapo sa amin kundi ang itinakda ni Allāh ukol sa amin. Siya ay ang Tagatangkilik namin. Kay Allāh ay manalig ang mga mananampalataya.
Sabihin mo: "Wala kayong inaabangan sa amin kundi ang isa sa dalawang pinakamaganda samantalang kami ay nag-aabang sa inyo na magpadapo sa inyo si Allāh ng isang pagdurusang mula sa ganang Kanya o sa pamamagitan ng mga kamay namin. Kaya mag-abang kayo; tunay na kami ay kasama ninyo na mga nag-aabang."
Sabihin mo: "Gumugol man kayo dala ng pagtalima o pamimilit; hindi ito tatanggapin mula sa inyo. Tunay na kayo ay laging mga taong suwail."
Walang humadlang sa kanila na tanggapin mula sa kanila ang mga gugol nila kundi dahil sa sila ay tumangging sumampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya, hindi pumupunta sa dasal kundi sila ay mga tamad, at hindi gumugugol kundi habang sila ay mga nasusuklam.
Kaya huwag magpahanga sa iyo ang mga yaman nila ni ang mga anak nila. Nagnanais lamang si Allāh na pagdusahin sila sa pamamagitan ng mga ito sa buhay sa Mundo at lumisan ang mga kaluluwa nila habang sila ay mga tumatangging sumampalataya.
Nanunumpa sila kay Allāh na tunay na sila ay talagang kabilang sa inyo samantalang hindi sila kabilang sa inyo, subalit sila ay mga taong nahihintakutan.
Kung sakaling nakatatagpo sila ng isang kandilihan o mga yungib o isang pasukan, talaga sanang babaling sila roon habang sila ay humahagibis.
Kabilang sa kanila na ang namumuna sa iyo kaugnay sa mga kawanggawa ngunit kung nabigyan sila mula sa mga ito, malulugod sila. Kung hindi sila nabigyan mula sa mga ito, biglang sila ay naiinis.
Kung sakaling sila ay nalugod sa ibinigay sa kanila ni Allāh at ng Sugo Niya at nagsabi: "Sapat na sa amin si Allāh; magbibigay sa amin si Allāh mula sa kabutihang-loob Niya at ang Sugo Niya. Tunay na kami kay Allāh ay mga nagmimithi."
Ang mga kawanggawa ay ukol lamang sa mga maralita, mga dukha, mga manggagawa sa mga ito, at napalulubag-loob ang mga puso, alang-alang sa pagpapalaya ng alipin at mga nagkakautang, ayon sa landas ni Allāh, at manlalakbay na kinapos – isang tungkuling iniatang ni Allāh. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
Kabilang sa kanila ang mga nananakit sa Propeta at nagsasabi: "Siya ay isang tainga [na dumidinig]." Sabihin mo: "[Siya ay] isang tainga [na dumidinig] ng kabutihan para sa inyo, na sumasampalataya kay Allāh, naniniwala sa mga mananampalataya, at awa para sa mga sumampalataya kabilang sa inyo. Ang mga nananakit sa Sugo ni Allāh, ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.
Sumusumpa sila kay Allāh sa harap ninyo upang palugurin nila kayo samantalang si Allāh at ang Sugo Niya ay higit na karapat-dapat na palugurin nila kung sila ay mga mananampalataya.
Hindi ba nila nalaman na ang sinumang sumasalangsang kay Allāh at sa Sugo Niya ay ukol sa kanya ang Apoy ng Impiyerno bilang mananatili roon. Iyon ay ang kahihiyang sukdulan.
Nangingilabot ang mga mapagpaimbabaw na magpapababa sa kanila ng isang kabanata na magbabalita sa kanila sa nasa mga puso nila. Sabihin mo: "Mangutya kayo; tunay na si Allāh ay magpapalabas sa pinangingilabutan ninyo."
Talagang kung nagtanong ka sa kanila ay talaga ngang magsasabi: "Kami ay nag-uusap-usap at nagbibiru-biruan lamang." Sabihin mo: "Kay Allāh, sa mga tanda Niya, at sa Sugo Niya ba kayo nangungutya?
Huwag kayong magdahilan; tumanggi nga kayong sumampalataya matapos ng pananampalataya ninyo. Kung magpapaumanhin Kami sa isang pangkatin kabilang sa inyo, pagdurusahin naman Namin ang isang pangkatin dahil sila ay mga tagasalansang."
Ang mga lalaking mapagpaimbabaw at ang mga babaing mapagpaimbabaw ay bahagi ng isa’t-isa sa kanila. Nag-uutos sila ng nakasasama, sumasaway sila sa nakabubuti, at nagkukuyom sila ng mga kamay nila. Kinalimutan nila si Allāh kaya kinalilimutan Niya sila. Tunay na ang mga mapagpaimbabaw ay ang mga suwail.
Nangako si Allāh sa mga lalaking mapagpaimbabaw, mga babaing mapagpaimbabaw, at tagatangging sumampalataya ng Apoy ng Impiyerno bilang mga mananatili roon. Ito ay sapat sa kanila. Isinumpa sila ni Allāh at ukol sa kanila ay isang pagdurusang mamamalagi.
Gaya ng mga kabilang sa nauna sa inyo, sila noon ay higit na matindi kaysa sa inyo sa lakas at higit na marami sa mga yaman at mga anak kaya nagtamasa sila ng bahagi nila at nagtamasa kayo ng bahagi ninyo kung paanong nagtamasa ang mga kabilang sa nauna sa inyo ng bahagi nila. Sumuong kayo sa gaya ng sinuong nila. Ang mga iyon ay napawalang-bisa ang mga gawa nila sa Mundo sa Kabilang-buhay, at ang mga iyon ay ang mga lugi.
Hindi ba dumating sa kanila ang balita sa kabilang sa nauna sa kanila, na mga tao ni Noe, `Ad, ni Thamud, mga tao ni Abraham, at mga naninirahan sa Madyan at mga bayang itinaob? Dumating sa kanila ang mga sugo sa kanila dala ang mga patunay na malinaw kaya hindi nangyaring si Allāh ay ukol na lalabag sa katarungan sa kanila subalit sila sa mga sarili nila ay lumalabag sa katarungan.
Ang mga lalaking mananampalataya at ang mga babaing mananampalataya ay mga katangkilik ng isa’t isa. Nag-uutos sila sa nakabubuti, sumasaway sila sa nakasasama, nagpapanatili sila ng pagdarasal, nagbibigay sila ng zakāh, at tumatalima sila kay Allāh at sa Sugo Niya. Ang mga iyon ay kaaawaan sila ni Allāh. Tunay na si Allāh ay Makapangyarihan, Marunong.
Nangako si Allāh sa mga lalaking mananampalataya at mga babaing mananampalataya ng mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito, at ng mga tahanang kaaya-aya sa mga Hardin ng Eden; at may pagkalugod mula kay Allāh na pinakamalaki. Iyon ay ang pagkatamong sukdulan.
O Propeta, makibaka ka laban sa mga tumatangging sumampalataya at mga mapagpaimbabaw at maghigpit ka sa kanila. Ang kanlungan nila ay ang Impiyerno. Kaaba-aba ang kahahantungan!
Sumusumpa sila kay Allāh na hindi sila nagsabi samantalang talaga ngang nagsabi sila ng salita ng kawalang-pananampalataya. Tumanggi silang sumampalataya matapos ng pagyakap nila sa Islām at naghangad sila ng hindi nila natamo. Wala silang ipinaghinanakit malibang nagpayaman sa kanila si Allāh at ang Sugo Niya mula sa kabutihang-loob Niya. Kung magbabalik-loob sila, ito ay magiging mabuti para sa kanila. Kung tatalikod sila; pagdurusahin sila ni Allāh ng isang pagdurusang masakit sa Mundo at Kabilang-buhay. Walang ukol sa kanila sa lupa na isang katangkilik ni isang mapag-adya.
Kabilang sa kanila ang nakipagtipan kay Allāh, [na nagsabi:] "Talagang kung binigyan Niya kami mula sa kabutihang-loob Niya ay talagang magkakawanggawa nga kami at talagang kami nga ay magiging kabilang sa mga mabubuti"
Ngunit noong nagbigay Siya sa kanila mula sa kabutihang-loob Niya ay nagmaramot sila nito at tumalikod sila samantalang sila ay mga umaayaw.
Kaya nagparesulta Siya sa kanila ng pagpapaimbabaw sa mga puso nila hanggang sa araw na makikipagtagpo sila sa Kanya dahil sumira sila kay Allāh sa ipinangako nila sa Kanya at dahil sila noon ay nagsisinungaling.
Hindi ba nila nalaman na si Allāh ay nakaaalam sa lihim nila at sarilinang pag-uusap nila at na si Allāh ay Maalam sa mga lingid?
Ang mga namimintas sa mga nagkukusang-loob kabilang sa mga mananampalataya kaugnay sa mga kawanggawa at sa mga walang natatagpuan kundi ang pinagpunyagian nila kaya naman nanunuya sila sa mga ito, ay manunuya si Allāh sa kanila at ukol sa kanila ay isang pagdurusang masakit.
Humingi ka ng kapatawaran para sa kanila o huwag kang humingi ng kapatawaran para sa kanila. Kung hihingi ka ng kapatawaran para sa kanila nang pitumpong ulit ay hindi magpapatawad si Allāh sa kanila. Iyon ay dahil sila ay tumangging sumampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya. Si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong suwail.
Natuwa ang mga iniwanan sa pananatili nila dahil sa pag-iwan ng Sugo ni Allāh at nasuklam sila na makibaka sa pamamagitan ng mga yaman nila at mga sarili nila ayon sa landas ni Allāh. Nagsabi sila: "Huwag kayong humayo sa init." Sabihin mo: "Ang apoy ng Impiyerno ay higit na matindi sa init kung sakaling sila ay nakauunawa."
Kaya tumawa sila nang kaunti at umiyak sila nang marami bilang isang ganti sa nakakamit nila noon.
Kaya kung nagpabalik sa iyo si Allāh sa isang pangkatin kabilang sa kanila at nagpaalam sila sa iyo para sa paglisan ay sabihin mo: "Hindi kayo lilisan kasama ko magpakailanman at hindi kayo makikipaglaban kasama ko sa kaaway. Tunay na kayo ay nalugod sa pananatili sa unang pagkakataon kaya manatili kayo kasama ng mga nagpapaiwan."
Huwag kang magdasal para sa isa kabilang sa kanila na namatay – kailanman – at huwag kang tumayo sa puntod niya. Tunay na sila ay tumangging manampalataya kay Allāh at sa Sugo Niya at namatay samantalang sila ay mga suwail.
Huwag magpahanga sa iyo ang mga yaman nila ni ang mga anak nila. Nagnanais lamang si Allāh na pagdusahin Niya sila sa pamamagitan ng mga ito sa Mundo at lumisan ang mga kaluluwa nila habang sila ay mga tumatangging sumampalataya.
Kapag nagbaba ng isang kabanata, [na nag-uutos:] "Sumampalataya kayo kay Allāh at makibaka kayo kasama ng Sugo Niya," nagpaalam sa iyo ang mga may kaya kabilang sa kanila at nagsabi sila: "Hayaan mo kami, kami ay magiging kasama ng mga nananatili."
Nalugod sila na sila ay maging kasama ng mga nagpapaiwan. Nagpinid sa mga puso nila kaya sila ay hindi nakauunawa.
Subalit ang Sugo at ang mga sumampalataya kasama niya ay nakibaka sa pamamagitan ng mga yaman nila at mga sarili nila. Ang mga iyon ay magkakaroon ng mga mabuti at ang mga iyon ay ang mga magtatagumpay.
Naghanda si Allāh para sa kanila ng mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito. Iyon ang pagkatamong sukdulan.
Dumating ang mga nagdadahilan kabilang sa mga Arabeng disyerto upang magpahintulot sa kanila at nanatili naman ang mga nagpasinungaling kay Allāh at sa Sugo Niya. Dadapuan ang mga tumangging sumampalataya kabilang sa kanila ng isang pagdurusang masakit.
Walang maisisi sa mga mahina ni sa mga may-sakit ni sa mga walang natatagpuang maipanggugugol kapag nagpakatapat sila kay Allāh at sa Sugo Niya. Walang daan [sa paninisi] sa mga nagmamagandang-loob. Si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
Walang [maisisi] sa mga [taong nagpaiwan na] kapag pumunta sila sa iyo upang pasakayin sila ay nagsabi ka: "Wala akong natatagpuang maipasasakay ko sa inyo." Tumalikod sila habang ang mga mata nila ay nag-uumapaw sa luha bilang pagkalungkot na hindi sila nakatatagpo ng maigugugol nila.
Ang daan [para masisi] ay sa mga nagpapaalam sa iyo [na magpaiwan] samantalang sila ay mga mayaman. Nalugod sila na sila ay maging kasama ng mga nagpapaiwan. Nagpinid si Allāh sa mga puso nila kaya sila ay hindi nakauunawa.
Nagdadahilan sila sa inyo kapag bumalik kayo sa kanila. Sabihin mo: "Huwag kayong magdahilan; hindi kami maniniwala sa inyo. Nagbalita na sa amin si Allāh ng mga ulat sa inyo. Titingin si Allāh sa gawa ninyo at ang Sugo Niya, pagkatapos ay ibabalik kayo sa Nakaaalam sa Lingid at Hayag at magbabalita Siya sa inyo hinggil sa ginagawa ninyo noon."
Susumpa sila kay Allāh sa harap ninyo kapag umuwi kayo sa kanila upang umayaw sa kanila, kaya umayaw kayo sa kanila. Tunay na sila ay kasalaulaan. Ang kanlungan nila ay ang Impiyerno bilang ganti sa nakakamit nila noon.
Sumusumpa sila sa harap ninyo upang malugod kayo sa kanila. Ngunit kung malulugod kayo sa kanila, tunay na si Allāh ay hindi nalulugod sa mga taong suwail.
Ang mga Arabeng disyerto ay higit na matindi sa kawalang-pananampalataya at sa pagpapanggap sa pananampalataya at higit na nababagay na hindi makaalam sa mga hangganan na ibinaba ni Allāh sa Sugo Niya. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
Kabilang sa mga Arabeng disyerto ang nagtuturing sa ginugugol nila bilang isang multa at nag-aabang sa inyo ng mga pananalanta. Sumakanila ang pananalanta ng kasagwaan! Si Allāh ay Marinigin, Maalam.
Kabilang sa mga Arabeng disyerto ang sumasampalataya kay Allāh at sa Kabilang-buhay at gumagawa sa ginugugol niya bilang mga pampalapit-loob sa ganang kay Allāh at [pagkamit ng] mga panalangin ng Sugo. Pakatandaan, tunay na ito ay pampalapit para sa kanila. Magpapasok sa kanila si Allāh sa awa Niya. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
Ang mga nangungunang una kabilang sa mga lumikas at mga tagaadya, at ang mga sumunod sa kanila nang may pagpapakahusay ay nalugod si Allāh sa kanila at nalugod sila sa Kanya. Naghanda Siya para sa kanila ng mga hardin na dumadaloy mula sa ilalim ng mga ito ang mga ilog bilang mga mananatili sa mga ito magpakailanman. Iyon ang pagkatamong sukdulan.
Kabilang sa nasa paligid ninyo kabilang sa mga Arabeng disyerto ay mga mapagpanggap sa pananampalataya at kabilang sa mga naninirahan sa Madīnah. Namihasa sila sa pagpapanggap. Hindi ka nakaaalam sa kanila; Kami ay nakaaalam sa kanila. Pagdurusahin Namin sila nang dalawang ulit, pagkatapos ay itutulak sila sa isang pagdurusang sukdulan.
May mga ibang umamin sa mga pagkakasala nila. Naghalo sila sa isang gawang matuwid ng iba pang masagwa. Marahil si Allāh ay tatanggap ng pagbabalik sa kanila. Tunay na si Allāh ay Mapagpatawad, Maawain.
Kumuha ka mula sa mga yaman nila ng isang kawanggawang magdadalisay sa kanila at magpapalago sa kanila sa pamamagitan nito, at manalangin ka para sa kanila. Tunay na ang panalangin mo ay isang katiwasayan para sa kanila. Si Allāh ay Marinigin, Maalam.
Hindi ba nila nalaman na si Allāh ay tumatanggap ng pagbabalik-loob buhat sa mga lingkod Niya at kumukuha sa mga kawanggawa, at na si Allāh ay ang Palatanggap sa pagbabalik-loob, ang Maawain?
Sabihin mo: "Gumawa kayo at makakikita si Allāh sa gawa ninyo, ang Sugo Niya at ang mga mananampalataya. Ibabalik kayo sa Nakaaalam sa Lingid at Hayag at magbabalita Siya sa inyo hinggil sa ginagawa ninyo noon."
May mga ibang pinaghihintay sa atas ni Allāh: na pagdusahin Niya sila o tanggapin Niya ang pagbabalik-loob sa kanila. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
[Mayroong] mga gumawa sa isang masjid bilang isang pamiminsala, bilang isang pagtanggi sa pananampalataya, bilang isang paghahati-hati sa mga mananampalataya, at bilang isang pagtatambang para sa sinumang nakidigma kay Allāh at sa Sugo Niya noong una. Talagang manunumpa nga sila: "Wala kaming ninais kundi ang pinakamaganda," samantalang si Allāh ay sumasaksi na tunay na sila ay talagang mga nagsisinungaling.
Huwag kang tumayo sa loob niyon magpakailanman. Talagang ang isang masjid na itinatag sa pangingilag sa pagkakasala sa unang araw ay higit na karapat-dapat na tumayo ka sa loob niyon. Doon ay may mga lalaking naiibigang magpakadalisay. Si Allāh ay umiibig sa mga nagpapakadalisay.
Kaya ang nagtatag ba ng gusali niya sa pangingilag sa pagkakasala kay Allāh at pagkalugod [Niya] ay higit na mabuti o ang nagtatag ng gusali niya sa bingit ng isang pampang na paguho, kaya iginuho nito siya sa apoy ng Impiyerno? Si Allāh ay hindi nagpapatnubay sa mga taong lumalabag sa katarungan.
Hindi titigil ang gusali nilang itinayo nila sa pagiging isang alinlangan sa mga puso nila maliban kung magkakapira-piraso ang mga puso nila. Si Allāh ay Maalam, Marunong.
Tunay na si Allāh ay bumili mula sa mga mananampalataya ng mga sarili nila at mga yaman nila kapalit ng pagkamit nila ng Paraiso. Nakikipaglaban sila ayon sa landas ni Allāh kaya nakapapatay sila at napapatay sila, bilang isang pangako [na tutuparin] Niya na totoo sa Torah, Ebanghelyo, at Qur’ān. Sino pa ang higit na palatupad sa tipan kaysa kay Allāh? Kaya magalak kayo sa pagbibilihan ninyong nakipagbilihan kayo. Iyon ay ang pagkatamong sukdulan.
[Sila ay] ang mga nagbabalik-loob, na mga sumasamba, na mga nagpupuri, na mga nag-aayuno, na mga yumuyukod, na mga nagpapatirapa, na mga nag-uutos sa nakabubuti, na mga sumasaway sa nakasasama, at mga nag-iingat sa mga hangganan ni Allāh. Balitaan mo ng nakagagalak ang mga sumasampalataya.
Hindi nangyaring ukol sa Propeta at sa mga sumampalataya na humingi sila ng kapatawaran para sa mga tagapagtambal kahit pa man ang mga ito ay mga kaanak matapos na luminaw sa kanila na ang mga ito ay mga mananahan sa Impiyerno.
Walang iba ang paghingi ng kapatawaran ni Abraham para sa ama niya malibang dala ng isang kapangakuang ipinangako niya roon, ngunit noong luminaw sa kanya na iyon isang kaaway kay Allāh ay nagpawalang-kaugnayan siya roon. Tunay na si Abraham ay talagang palataghoy, matimpiin.
Hindi nangyaring si Allāh ay magliligaw sa mga tao matapos na pinatnubayan Niya sila hanggang sa nilinaw Niya sa kanila ang pagkakasalang pangingilagan nila. Tunay na si Allāh sa bawat bagay ay Maalam.
Tunay na si Allāh ay nagtataglay ng paghahari sa mga langit at lupa. Nagbibigay Siya ng buhay at bumabawi Siya ng buhay. Hindi kayo magkakaroon bukod pa kay Allāh ng isang katangkilik ni isang mapag-adya.
Talaga ngang tumanggap si Allāh ng pagbabalik-loob sa Propeta, mga lumikas at mga tagaadya na mga sumunod sa kanya sa oras ng kagipitan matapos na halos lumihis ang mga puso ng isang pangkat kabilang sa kanila. Pagkatapos ay tumanggap Siya ng pagbabalik-loob sa kanila. Tunay na Siya sa kanila ay Mahabagin, Maawain.
[Nagpatawad din] sa tatlo na iniwanan hanggang sa nang sumikip sa kanila ang lupa sa kabila ng luwang nito, sumikip sa kanila ang mga sarili nila, at naisip nila na walang kanlungan laban kay Allāh kundi sa Kanya. Pagkatapos ay tumanggap Siya ng pagbabalik-loob sa kanila upang mamalagi sila sa pagbabalik-loob. Tunay na si Allāh ay ang Palatanggap ng pagsisisi, ang Maawain.
O mga sumampalataya, mangilag kayong magkasala kay Allāh at maging kasama kayo ng mga nagpapakatotoo.
Hindi nangyaring ukol sa mga naninirahan sa Madīnah at sinumang nasa palibot nila kabilang sa mga Arabeng disyerto na magpaiwan sila buhat sa Sugo ni Allāh ni magtangi sila sa mga sarili nila kaysa sa sarili niya. Iyon ay dahil sila ay hindi dinadapuan ng isang pagkauhaw ni ng isang pagkapagal ni ng isang pagkagutom dahil sa landas ni Allāh, hindi humahakbang ng isang hakbang na nagpapangitngit sa mga tagatangging sumampalataya, at hindi nagtatamo mula sa kaaway ng isang kapinsalaan malibang nagtala na para sa kanila dahil doon ng isang gawang maayos. Tunay na si Allāh ay hindi magwawala ng pabuya sa mga nagmamagandang-loob.
Hindi sila gumugugol ng isang guguling maliit ni malaki at hindi sila tumatawid ng isang lambak malibang itinala na para sa kanila upang gantihan sila ni Allāh ng higit na maganda sa ginagawa nila noon.
Hindi nangyaring ang mga sumasampalataya ay ukol na humayo sa kalahatan. Kaya bakit hindi humiwalay mula sa bawat pulutong kabilang sa kanila ang isang pangkat upang magpakaunawa sa relihiyon at upang magbabala sa mga tao nila kapag bumalik ang mga ito sa kanila nang sa gayon sila ay mag-iingat.
O mga sumampalataya, kalabanin ninyo ang mga nalalapit sa inyo kabilang sa mga tagatangging sumampalataya at makatagpo sila sa inyo ng kabagsikan. Alamin ninyo na si Allāh kasama ng mga tagapangilag sa pagkakasala.
Kapag nagbaba ng isang kabanata ay mayroon sa kanilang nagsasabi: "Alin sa inyo ang nadagdagan nito ng pananampalataya?" Tungkol sa mga sumampalataya, nagdagdag ito sa kanila ng pananampalataya habang sila ay nagagalak.
Tungkol naman sa mga may karamdaman sa mga puso nila, nagdagdag ito sa kanila ng kasalaulaan sa [dating] kasalaulaan nila at namatay sila habang sila ay mga tagatangging sumampalataya.
Hindi ba nila nakikita na sila ay sinusubok sa bawat taon nang isang ulit o dalawang ulit? Pagkatapos ay hindi sila nagbabalik-loob at hindi sila umaalala.
Kapag nagbaba ng isang kabanata ay tumitingin ang iba sa kanila sa iba [na nagtatanong]: "May nakakikita ba sa inyong isa man?," pagkatapos ay lumilisan sila. Nagpalihis si Allāh sa mga puso nila dahil sila ay mga taong hindi umuunawa.
Talaga ngang may dumating sa inyo na isang Sugo kabilang sa mga sarili ninyo, na mabigat sa kanya ang anumang ininda ninyo, na masigasig sa inyo, na sa mga mananampalataya ay mahabagin at maawain.
Ngunit kung tumalikod sila ay sabihin mo: "Sapat sa akin si Allāh: walang Diyos kundi Siya; sa Kanya ako nanalig. Siya ay ang Panginoon ng tronong dakila."